Advertisers

Advertisers

WALANG PAGPILIAN

0 118

Advertisers

IKINALULUNGKOT namin na bigyan diin na hindi kami natutuwa sa lineup ng mga kandidato sa Senado ng administrasyon at nagpapanggap na oposisyon na kinakatawan ng Inferior Davao ni Gongdi. Wala kaming balak na ihalal ang sinuman sa kanila sapagka’t pare-pareho silang kumakatawan sa isinusukang tatlong P – mga palpak, pipitsugin, at patapon na mga kandidato.

Nasa kanila ang mga kumakatawan sa malalaking political dynasty, o mga nakakalason na pamilyang pulitikal, mga laos na artista at celebrity na walang nalalaman at kakayahan (sila ang mga walang itinatagong galing), nagpapanggap na Filipino pero kakampi ng China, mga balimbing, o kabilanin, at mga kinatawan ng pekeng relihiyon tulad ng InC at KoJC.

Mayroon sa kanila ang kabilang sa mga mambabatas na bumubuo sa Camara de Representante. Ngunit hindi sila lumagda sa reklamong impeachment na isinampa ng Camara sa Senado upang dinggin ang kahilingan na patalsikin sa pwesto si Misfit Sara. Sa maikli, sila ang mga kandidato naglalaro sa magkabilang panig. Sila ang mga walang prinsipyo at kinakapitan ng halagain sa buhay. Walang matwid upang ihalal ang sinuman sa kanila sa Mayo 12.



Dahil walang pagpipilian sa kanila, pinakamaigi na humanap na ipapalit sa ibang lineup ng mga kandidato sa Senado. Nandiyan ang lineup ng Makabayan Bloc na kahit hindi masyadong kilala ang ilang kandidato sa lineup na binubuo ng 11 kandidato, pinakamaiging kilatisin sila. Timbangin ang kanilang track record at prinsipyo sa pulitika. Nandidiyan sa kanila sina France Castro, Teddy Casino, Liza Masa, Arlene Brosas, at iba pa.

Nandiyan ang dalawang kandidato ng hinaharap ng Liberal Party sa bayan – Bam Aquino at Kiko Pangilinan. Nandiyan ang ilang kandidato na tumatakbong bilang indipendiyente tulad ni Heidi Mendoza na iniharap ang sarili bilang “imbestigador” ng bayan at kilalang kalaban ng mga tiwali sa pamahalaan. Nandidiyan sina Luke Espiritu, Leody de Guzman, at Sonny Matula na iniharap ang mga sarili bilang lider manggagawa.

Inihaharap ni Gongdi ang lineup ng Inferior Davao na pawang walang ginawang maganda at matino sa bayan. Sila ang mga kandidato ng China na pilit na inaangkin ang ilang bahagi ng Filipinas. Hindi sila ganap na Filipino sa isip, anyo, at gawa. Iniharap ni BBM ang ilang kandidato ng malalaking dinastiyang pulitikal. Mag-ingat tayo sa kanila dahil walang silang ginawa sa ikabubuti ng bayan. Tanging sarili at kapakanan nila ang inaatupag.

Huwag padadala sa mga kandidato ng InC at KoJC dahil inililisya lang nila tayo. Huwag ihahalal ang mga artistang laos dahil bukod sa walang nalalaman, wala rin silang paghahanda sa mga puwestong inaasam. Huwag dagdagan ang mga payaso at gago na kasalukuyang nandoon sa Senado. Huwag na silang paramihin. Hindi kailangan na punin ang balota ng 12 kandidato. Kahit lima, anim, or pito ay maaaring ihalal. Ang mahalaga ay ihalal ang napupusuan.

***



LANTAD na lantad ang desperasyon ng Ako OFW Partylist. Ang kanilang pinakabagong estratehiya? Pagpapakalat ng maling impormasyon upang linlangin ang mga botante at sirain ang kanilang mga katunggali.

Ang kanilang pahayag na hinihiwalay ang sarili nila sa botohan ng impeachment laban kay Sara Duterte ay hindi lang mapanlinlang, isa itong garapalang pagtatangkang manipulahin ang opinyon ng publiko.

Linawin natin ang katotohanan: Hindi pa nakaupo sa Kongreso ang Ako OFW Partylist. Wala silang kapangyarihang gumawa ng batas, wala silang karapatang bumoto, at tiyak na wala silang kinalaman sa proseso ng impeachment.

Kaya bakit sila masyadong nagpipilit na palabasing sila ay maling naiuugnay sa boto? Simple lang ang sagot: gusto nilang siraan ang tunay na OFW Partylist na pinamumunuan ni Rep. Marissa Del Mar Magsino, dahil nakikita nila itong banta sa kanilang kandidatura.

Ang chairman at unang nominee ng Ako OFW Partylist na si Dr. Chie Umandap ay nagsasabing dapat daw kinonsulta ng OFW Partylist ang sektor ng OFW bago bumoto. Pero ito ang tunay na tanong: Anong moral na awtoridad mayroon ang Ako OFW para magsalita sa ngalan ng OFWs kung hindi pa nga sila nakakatapak sa Kongreso?

Kung tunay nilang pinahahalagahan ang representasyon, hindi sila nagpapakalat ng maruming pulitika bago pa magsimula ang kampanya. Mas kapansin-pansin pa kung paano sinusubukan ng Ako OFW Partylist na iposisyon ang sarili nila bilang “tunay” na tagapagtaguyod ng mga migranteng manggagawa habang nilalampasan ang katotohanang may dalawang paksyon sa loob mismo ng kanilang grupo.

Paano nila maipagmamalaki na sila ang mas mahusay na pagpipilian kung hindi man lang nila mapagkaisa ang kanilang sariling hanay? Bukod pa rito, isa sa kanilang mga nominees ay inaakusahang tagapagtanggol ng abusadong recruitment agencies, habang ang isa naman ay dating miyembro ng OWWA na sinasabing ginagamit ang pondo ng ahensya para sa personal na interes. Ganito ba ang lideratong nararapat sa ating mga OFW?

Ang pagtatangkang ipinta ng Ako OFW ang sarili bilang tagapagligtas ng mga OFW ay isang katawa-tawang palabas. Pinagmamalaki nila ang kanilang mga pangako, pero linawin natin na pawang mga salita lang ang mga ito, walang aksyon. Hindi tulad ng OFW Partylist na may matibay nang track record sa Kongreso, wala pang napapatunayan ang Ako OFW. Ang tanging nakikita nating estratehiya nila sa ngayon ay paninira, at ito’y nagpapakita lamang ng matinding desperasyon.

Dapat maging mapanuri ang mga botante. Ang ating mga OFW ay nararapat sa representasyong tapat, may karanasan, at tunay na nagmamalasakit sa kanilang kapakanan at hindi isang partylist na wala pang nagagawa kundi maghasik ng kalituhan at pagkakawatak-watak.

Paulit-ulit na pinapatunayan ng Ako OFW Partylist na ang kanilang tunay na layunin ay hindi ang kapakanan ng OFWs, kundi ang kanilang sariling ambisyong pampulitika.

***

MGA PILING SALITA: “ Hindi malapitan si Malapitan ng Caloocan City.” – George Medina, netizen