Advertisers
NASAWI ang apat katao at dalawa ang nagtamo ng minor injuries sa sunog na tumupok sa 30 bahay na tinitirhan ng 60 pamilya sa Barangay 177 sa Malibay, Pasay City, Sabado ng umaga.
Umabot ito ng ikatlong alarma, kungsaan 14 firetrucks ang rumesponde, at idineklara itong fire out pagkaraan ng tatlong oras.
Kabilang sa mga nawalan ng tirahan si Jesus Balauro, 43 anyos, na natutulog nang sumiklab ang sunog.
Hindi na niya nagawang magsuot ng damit sa pagmamadaling lumikas kasama ang pitong anak.
“Pinababa ko na silang lahat pati ‘yung asawa ko. Pinapunta ko na sa malayo… wala akong nadala kahit ano… ‘yung mga gamit namin, wala na, ubos,” sabi ni Balauro.
Pighati ang bumalot kay Carlo Vegas, 28, na nawalan ng apat na kaanak.
Aniya, nahimatay ang kanyang 34-anyos na asawa at na-trap sa loob ng kuwarto kasama ang kanilang pitong-taon-gulang na anak na lalaki.
Hindi na nila nagawang sundan siya sa maliit na bintanang kanyang pinaglabasan.
“Tumalon nalang nga po ako ng ilog eh para ma-save po ako… mahal na mahal ko po silang dalawa.
Wala na eh, wala na akong magagawa,” sabi ni Vegas.
Dagdag niya, ang kanyang 14-anyos na pamangkin hindi narin nakalabas sa unang pa-lapag ng kanilang bahay dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.
Pagsapit ng 9:00 ng umaga, natagpuan din ang bangkay ng 40-anyos na lalaki na kinilalang bayaw ni Vegas.
Ayon kay SF01 Rezmond Germino, chief ng Public Information Unit ng Bureau of Fire Protection – Pasay, nahirapan silang rumesponde dahil sa makitid na eskinita at pagkasira ng kanilang blinker.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog na tinatayang nasa P1.2 milyon ang halaga ng pinsala.
Ayon kay SF01 Germino, ito ang ikatlong insidente ng sunog sa Pasay mula Enero.(JOJO SADIWA)