Advertisers
INARESTO ang isang lasing na pulis nang barilin at saktan ang misis sa Barangay Ayungon, Valladolid, Negros Occidental noong Martes.
Ayon kay Captain Bonifacio Galvez Jr., deputy chief ng Valladolid Municipal Police Station, nasa bakasyon ang 33-anyos na pulis mula sa Malay Municipal Police Station sa Aklan nang manganak ang kanyang misis sa kanilang ikatlong supling.
Matapos makipag-inuman sa biyenan, pumasok ang pulis sa kanilang silid bago maghatinggabi, kinuha ang kanyang 9mm Glock 17 service firearm at binaril ang misis na tinamaan sa kanang itaas na braso.
Humingi ng tulong ang biktima, isang guro sa elementarya, sa mga kamag-anak, na agad nag-ulat sa pulisya. Naaresto ang pulis sa kanilang bahay at narekober ang baril at isang basyo ng bala.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang biktima.
Wala umanong naitalang alitan ang mag-asawa bago ang insidente, at nagsisisi ang pulis sa kanyang nagawa.
Nahaharap ang pulis sa kasong ‘frustrated parricide’ at paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.