Advertisers
Arestado ang dalawang holdaper na humoldap sa isang taxi driver sa ikinasang follow-up operation ng pulisya sa Caloocan City, Miyerkoles ng madaling araw.
Sa sinumpaang pahayag ng 47-anyos na taxi driver sa mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals, 4:00 ng madaling araw nang maisakay niya ang mga suspek sa Clover Leaf, Quezon City.
Pagsapit nila sa Brgy. 139, Caloocan City sa kahabaan ng EDSA ay biglang naglabas ng baril ang isa sa mga suspek at tinutukan ang biktima sabay nagdeklara ng holdap.
Sapilitang kinuha ng mga suspek ang kanyang personal na gamit, kabilang ang cellphone, P1,600 cash at driver’s license saka mabilis na tumakas patungong West Service Road, Quezon City.
Humingi naman ng tulong ang biktima sa Caloocan Police Sub-Station 5 (SS5) at nagsagaqawa ang pulisya ng follow- up operation sa pangunguna ni P/Lt. Jefren Aganos na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na si alyas “Michael, ” 26 at kasabwat nitong 19-anyos.
Nakumpiska ng mga tauhan ni Col. Canals kay alyas Michael ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala habang hindi nakalagay sa ulat kung nabawi ang mga gamit at pera na tinangay sa biktima.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery Holdap at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code).(Beth Samson)