Advertisers
Kudos kay National Bureau of Investigation (NBI) at sa kanyang mga tauhan sa pagkakatimbog sa isang warehouse sa Bocaue, Bulacan na diumano ay nagre-repack ng mga lumang bigas na inihahalo sa imported na bigas para maibenta na animo ay bago ang mga ito.
Mismong si NBI Director Jaime Santiago ang nanguna sa raid at bunga niyan ay may ilang indibidwal daw silang kakasuhan.
Aniya, ang mga bigas na kanilang kinumpiska ay para na lang sa baboy at hindi na ligtas na kainin pa ng tao.
Ipina-finalize na sa ngayon ang kasong isasampa sa mga kinauukulan na sasailalim sa inquest proceedings. Malamang sa hindi ay kasama ang economic sabotage sa mga kasong isasampa sa mga nasa likod ng mga lumang bigas.
Hinihintay na lamang ng NBI ang sagot ng Department of Agriculture na hinilingan nilang alamin ang presyo at volume ng mga bigas na natagpuan sa nasabing ni-raid na warehouse.
Heto ngayon. May mga agricultural groups na pumapalag at ipinagtatanggol ang warehouse at mga nagpapatakbo nito.
Giit nila, wala daw hoarding ng lumang bigas na nagaganap dahil maraming supply ng bigas sa bansa sa kasalukuyan. Sa ganang akin, hindi naman kikilos ang NBI nang walang basehan. Lalo pa at ang direktor ng NBI na siyang nanguna sa operasyon ay si Jimmy Santiago, na isang batikang pulis, na naging piskal at huwes bago mapunta sa NBI.
Gaya ng binanggit ni Santiago, maraming buwan ang kanilang iginugol para sa surveillance o pagmamanman, bago isinagawa ang operasyon, kung saan nadakip ang warehouse manager, dalawang cashier at inventory officer.
Disyembre pa lamang ay mino-monitor na ng NBI ang nasabing warehouse bago inilunsad ang operasyon kaya siguradong matibay ang basehan ng kanilang aksyon.
Ipakita sana ng mga tumutuligsang agricultural groups na ang kanilang puso at tunay na malasakit ay nasa mga kababayan nilang maaring bumili at kumonsumo ng mga lumang bigas, hindi ‘yung ang inuuna nila ay ang kanilang mga ka-tropang negosyante.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.