Advertisers
NANAWAGAN si veteran entertainment and talent manager Ogie Diaz kay actor-politician Alfred Vargas na klaruhin ang kanyang pahayag matapos lumabas ang isang video na nagpapakita sa kanya habang tinutuligsa ang itsura ng kanyang mga kalaban sa eleksyon.
Sa isang Facebook post, ipinakita ni Diaz ang kuha sa tila isang kampanyahan kasama ang ilang supporters at kakampi nito na pawang naka-asul.
“Baka gustong linawin ito ni Alfred Vargas. Puro nega ang komento sa kanya,” ayon kay Diaz.
“Bakit dumating na raw siya sa ganitong uri ng pamumulitika.”
Si Vargas, na tumatakbong konsehal sa ika-limang distrito ng Quezon City, ay sinabi na siya at ang kanyang kapatid, si Rep. PM Vargas, ay pumili ng kanilang magagandang kakampi habang ang kanilang mga katunggali ay nahahawig umano sa mga drug addicts.
“Kasi kami, halimbawa kami ni Cong. PM, pag namimili kami, pinipili namin yung magaganda’t gwapo. Kasi kung titingnan nyo, yung mga nakukuhang leaders ng mga kalaban namin, mga mukhang adik,” na humakot ng tawanan mula sa mga manonood.
“Totoo, di ba? Tsaka puro may mga utang. Hindi nagbabayad. Kilala namin yung mga leaders ng kabila e. Hindi ba, bro? Kaya sa tingin ko, Colonel, marami kayong ikukulong na mga adik.”
Sa nasabing pagtitipon, nagsalita rin daw si Vargas laban kay Rose Nono Lin, head ng Rose Lin Foundation.
Ang video ay orihinal na nilagay sa Facebook page ng Kilusan Kontra Korapsyon at mula noon ay nakatanggap na ng pagkondena mula sa natizens.
“Ikaw naman ay isang malaking kahihiyan. Konsehal ka pero ang tabas ng dila mo para manghusga sa mga leaders ay ganyan? Malayong-malayo ang mararating mo– hanggang sa hindi ka na makabalik ulit,” ayon sa isang nagkomento.
Ayon naman sa isa pang nagkomento, “Nakakahiya bukang-bibig mo! Magkapatid nga kayo, lahat gagawin para manira lang ng taong may paninindigan. Hindi na kayo karapat-dapat mamahala sa Distrito Singko. Lalong lalala ang korapsyon kapag kayo pa ang namuno.”