Puganteng Chinese na nagtangkang i-extend ang visa, arestado ng BI
Advertisers
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 44-anyos na puganteng Chinese matapos itong magtangkang i-extend ang kanyang tourist visa, kaugnay ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan na dakpin ang lahat ng mga dayuhang kriminal na nagtatago sa bansa.
Ang suspek na kinilalang si Lin Guangxiu, ay nadakip noong February 11 sa head office ng BI sa Intramuros matapos makumpirma ng mga awtoridad na ito ang target ng Interpol Red Notice dahil sa mga drug-related na kaso.
SI Lin ay napaulat na wanted ng prosecution dahil sa paglabag sa Section 11, Article II ng R.A. 9165, o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Habang prinoproseso ang visa extension, na-detect ng mga kawani ng BI ang mga irregularities sa records ni Lin at agad na iniulat kay Tourist Visa Section (TVS) Chief Raymond Remigio, na humingi naman ng tulong sa Kay BI Fugitive Search Unit (FSU) chief Rendel Ryan Sy para arestuhin si Lin.
“This case proves the effectiveness of our screening procedures. We remain vigilant in preventing foreign fugitives from exploiting our immigration system,” ani Remigio.
Noong 2019, si Lin, kasama ang kanyang mga accomplice ay nahuling nagtataglay ng mahigit 138 na piraso ng tape-sealed transparent packs na naglalaman ng may 270,000 gramo ng methamphetamine hydrochloride o ‘shabu.’
Kasalukuyang nakapiit si Lin sa BI facility sa loob ng Camp Bagong Diwa , Bicutan habang hinihintay ang deportation nito
Ang pagkakahuli kay Lin ay kaugnay na rin ng direktiba ni President Ferdinand Marcos, Jr. na palakasin ang border security at ipatupad ang batas upang matiyak na ang ibang undesirable aliens ay mawala na sa bansa. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)