Advertisers
MAAARI nang silipin ang bank accounts ni Vice President Sara Duterte-Carpio kapag nasimulan ang impeachment trial sa Senado.
Oo! puede nang i-lift yung bank secrecy law, buksan ang bank accounts o bank history ni VP Sara para makita kung may katotohanan ang mga ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes na bahagi ng mga pumasok sa kanyang accounts ay mula sa drug lords, POGO lords. ‘Pag ito’y napatunayan, dagdag pressure ito sa mga senador, at masasabi nating its the “end of the world” para sa mga Duterte. Mismo!
Ito ang pinaplano ngayon ng prosecutors panel, mga kongresista na miembro ng House Quad Committee na nag-imbestiga sa mga katiwalian ng pangalawang pangulo sa unang dalawang taon nito sa kapangyarihan.
Magugunita na sa mga imbestigasyon noon ng Senado ay ibinunyag ni Trillanes, kandidatong mayor ngayon sa Caloocan City, ang bilyones na laman ng bank accounts ng mag-aamang Duterte (ex-Pres. Rody, VP Sara, Cong. Paolo at Mayor Baste) sa pamamagitan ng mga dokumento na galing umano sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Pero dahil iligal, walang umamin o hindi sinabi ni Trillanes kung sino ang source niya sa naturang mga dokumento, naging invalid ito.
Pero pinatunayan ng dating Deputy Ombudsman na si Arthur Carandang na tunay ang dokumentong hawak ni Trillanes.
Ang pagbubunyag na ito ni Carandang ay naging dahilan para ipatanggal siya ni noo’y Pres. Rody “Digong” Duterte.
Na dahil sa mga ginawang pagbubunyag ni Trillanes ay ginawan siya ng mga tahi-tahing expose ni Digong. Na meron daw si Trillanes milyones na dollar accounts sa iba’t ibang bansa partikular sa Singapore. Pero ang dating renegade Navy Captain ay pumunta ng Singapore at kumuha ng certificate sa mga bangko na binanggit ni Digong. At napatunayan na wala siyang salapi dito, na gawa-gawa lang ni Digong ang naturang foreign bank accounts.
Si Digong ay sikat sa mga tahi-tahing expose at laban-bawi na mga pahayag, pero pinapalakpakan parin ng maraming bugok na mga Filipino. Ewan!
***
Sabi ni VP Sara, nang tanungin siya kung ano ang nararamdaman niya sa pagka-impeach sa kanya ng mga kongresista, mas masakit pa raw ang hiniwalayan ng dyowa.
Pero sa aking opinyon, pinalalakas lang ni VP Sara ang kanyang sarili, pero ang katotohanan ay takot na takot ito. Peks man!
Aba’y ang masalang ka sa impeachment court at ibilad sa iyong harapan ang mga nagdudumilat na ebidensiya ay malamang na magka-brace ka sa leeg o lalabas ng naka-wheelchair sa impeachment court.
Eh kung sa House Quad Comm nga ay hindi sumipot si VP Sara para sagutin at magpaliwanag sa mga inaakusa sa kanya, sa Impeachment Court pa kaya?
Hindi naman dapat umabot sa impeachment itong si VP Sara kung sinipot niya ang House Quad inquiries at naipaliwanag niyang mabuti na may mga resibo na ligal ang pagkakagamit niya sa kanyang daan-daang milyong confidential funds, partikular ang pagkalustay niya sa P125 million sa loob lamang ng 11 days. Eh kaso dinedma niya ang Quad Comm.
Well, let’s see kung ano ang magiging paliwanag ni VP Sara sa Impeachment Court. Abangan!