Advertisers
KAILANGAN nang putulin nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at Department of Justice Secretary (DOJ) “Boying” Remulla ganundin ni Cavite PNP Provincial Director Col. Dwight Alegre ang talamak na protection racket activity ng mag-partner na kriminal na sina Hero at alyas Ka Minong sa 13 bayan at 8 siyudad sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa grupo ng anti-crime and vice crusaders sa CALABARZON, maiisalba lamang nina Remulla at Col. Alegre ang kanilang pumapangit na pangalan pati na ang imahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung agarang mapuputol ng mga ito ang operasyon ng sindikato ng vices tulad ng bookies EZ2, pick 3, lotteng, Perya ng Bayan (PnB), Small Town Lottery, fuel thief o paihi pati na ang sakla at mga pasugalan sa tradisyunal na peryahan sa lalawigan ni Cavite Gov. Athena Bryana Tolentino.
Ang mga pasugalang ito lalo na ang mga pergalan ay hindi lamang front ng iba’t ibang uri ng card at table games kundi gamit din na prente sa bentahan ng shabu ng mga drug pusher sa lalawigan.
Ang tubong San Pablo City na si Hero, na bagama’t isang estranghero sa Cavite, ay naging prominente dahil sa pagiging sakla operator sa mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Noveleta, Naic, Bailen, Ternate, Magallanes, Mendez, Bailen at Naic.
Nagsimula si Hero bilang runner at alalay ng beteranong sakla operator at tong kolektor na si alyas “Landong Bulag”, ngunit nang ma-salvage ito dahil sa pagsunog ng mga payola o intelhencia para sa ilang Cavite police at NBI officials, ay pinalitan ito ni Hero.
Lalong naging matibay ang pwesto ni Hero bilang “kapustahan” o police tong kolektor nang naging kasosyo nito sa pagpapatakbo ng mga sakla den ang isang alyas “Ka Minong” na nagpakilala sa kanya kina Eric, fake NBI agent na si Elwyn, alyas Anacan na “Shabu Queen” ng bayan ng Naic.
Sina Hero at Ka Minong ay kasosyo din ng isang “Ewang” sa operasyon ng sakla sa Dasmariñas City, Nani sa Bacoor City at Cavite City.
Katuwang din nina Hero at Ka Minong ang isang alyas “Sgt. Kim” sa pangingikil sa mga gambling operator sa Dasmariñas City, Cavite City, General Trias.
Gamit naman na panakot sa mga ilegalista ang mga pangalan nina Secretary Remulla, Col. Alegre, Cavite Police Chief LtCol. Christopher Guste, at ilang NBI officials.
Liban sa pangalan ng magkapatid na Remulla, Col. Alegre, LtCol. Guste at NBI ay “naibutas” din nina Hero, Ka Minong at Sgt. Kim ang iba’t ibang operating unit ng Cavite PNP tulad ng PMFC, SWAT, NBI Cavido at PIAS.
Kasama din sa “ibinutas” nina Hero, Ka Minong at Sgt. Hayag maging ang ilang kilala at lihitimong mga miyembro ng media pati na mga “hao siao” o pekeng mga reporter.
Ngunit karamihan sa mga nakokolektang tong mula sa mga sakla, bookies, pergalan tulad ng ino-operate ng isang Charlie at Nina sa Brgy. Patungan, Maragondon; Ramil sa Silang; Michael sa Brgy. Sabang, Naic at; Tetet sa Brgy. Paliparan, Dasmariñas City; at mga saklaan at tupadahan tulad ng dalawang sakla den na ino-operate ng isang Boy sa isang resort sa Brgy. Bucal, Silang; mga puesto pijo na sakla sa basketball court ng bayan ng Magallanes at saklaan at pergalan sa Brgy. Patungan sa Maragondon ay naibubulsa lang ng tatlong naturang kolektor.
Ipinagbabanduhan nina Hero, Ka Minong at Sgt. Kim na ang milyones nilang nakikikil mula sa payola o weekly intelhencia sa paihi/buriki nina alyas Amang at Violago sa Brgy. Bancal, Carmona City; EZ2, pick 3, lotteng, peryahan ng bayan (PnB) at online gambling nina alyas Jun Toto, Nitang Kabayo, Kap Abner at Santander sa Dasmariñas City, Bacoor City at Cavite City ay regular nilang dinadala sa mga opisina ng mga Remulla, Camp Crame PNP Headquarter, PNP Region 4A, Col. Alegre, LtCol. Guste at iba pang Cavite PNP officials.
Iniutos na ni PNP Region 4A BGen. Paul Kenneth Lucas na agarang ipatigil ang lahat na operasyon ng paihi/buriki sa Region 4A kasunod ng pagkasabat noong Feb. 4, 2025 ng malakihang kantidad ng puslit na petroleum products sa San Juan, Batangas, ngunit nakapagtatakang bukod tangi namang nakapag-o-operate ang mga naturang ilegalista sa siyudad ni Carmona Mayor Dahlia Loyola. (CRIS A. IBON)