“Mas magaan ang trabaho kung ini-enjoy natin” – Mayor Honey
Advertisers
“GAWIN natin ang tungkulin nang di natin sila tinitignan bilang trabaho. Mas magaan ang trabaho kung ine-enjoy natin.”
Ito ang panawagan ni Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga opisyal ng lungsod at mga kawani sa kanyang mensahe nitong Lunes ng umaga sa kanyang flagraising ceremony sa City Hall kung saan si City Engineer Moises Alcantara ang host. Pinuri din ng alkalde ang City Engineer’s Office na pinamumunuan ni Engr. Moises Alcantara dahil sa palagiang pag-uulat nito ng iba’t-ibang accomplishments na nagagawa ng mga nagtatrabaho sa nasabing tanggapan.
“Isa ito (city engineer’s office) sa pinakamalalaking departamento ng lungsod… dahil sa dami ng kanilang tungkulin at ginagawa, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, siya ang pinakamaraming report sa akin na pinadadalang ginagawa sa araw-araw. Ganun ang kanilang dedikasyon sa trabaho, kaya maraming-maraming salamat,” pahayag ni Lacuna.
Sa punting ito, tinawag ng lady mayor ang pansin ng mga kawani at opisyal ng Maynila na simula ang linggo ng tama sa pamamagitan ng pag-i-enjoy sa kanilang trabaho para maraming matapos na gawain.
Binigyang diin ng alkalde na mapalad ang mga nasa gobyerno dahil hindi lahat ay nabibigyan ng ginintuang pagkakataon na maging tagapaglingkod upang nakatulong sa kapwa.
Dahil sa papalapit na Valentine’s Day ngayong linggo, pinagkalooban ni Alcantara ang alkalde ng bouquet of flowers at nagbigay din ng rosas sa lahat ng mga kababaihan na dumalo sa flagraising ceremony.
Sa pagtatapos ng kanyang maiksing mensahe, napatawa ni Lacuna ang lahat ng dumalo sa flag raising sa kanyang Valentine’s Day ‘hugot line’: “Sa mga malulungkot, wala ka mang ka-date sa Valentine’s Day, ang mahalaga, sanay ka na.” (ANDI GARCIA)