Advertisers
NASABAT ng pulisya ang mga high-powered na baril at bala mula sa isang 25-anyos na estudyante sa isang entrapment operation sa Makati City, sinabi ng Southern Police District (SPD) noong Biyernes.
Ayon kay SPD chief PBGEN Manuel J Abrugena, ang suspek na alyas ‘Jonathan’ na mula sa Quezon City, ay naaresto sa isang parking lot sa kahabaan ng Don Chino Roces Avenue Extension sa Barangay Magallanes dakong alas-4 ng hapon. noong Huwebes.
Nasamsam mula sa suspek ang maraming high-powered firearms at accessories, kabilang ang isang 5.56 rifle model SLR-B15, isang cal. 5.7 Ruger pistol, dalawang 5.56 magazine, dalawang 5.7 magazine na kargado ng 40 rounds ng live ammunition, isang black rifle bag na ginamit sa transaksyon, isang black sling bag na naglalaman ng Ruger pistol, isang black inside holster para sa Ruger pistol, 40 rounds ng Cal. 5.7 live ammunition, cellphone, isang PHP1,000 genuine bill bilang marked money, 2018 Toyota Corolla Altis, at iba’t ibang identification card
Ang suspek ay nahuli dahil sa iligal na pagbebenta ng mga baril na labag sa Republic Act 7166 at Commission on Elections (Comelec) Resolution 11067, na mahigpit na nagbabawal sa mga hindi awtorisadong transaksyon ng baril sa panahon ng eleksyon.
Sa operasyon, kinwestyon ng mga pulis ang suspek tungkol sa mga legal na dokumento na nagpapahintulot sa pagbebenta ng mga baril o exemption ng Comelec, ngunit nabigo itong magpakita ng mga valid na dokumento.
Ang suspek ay inilagay sa kustodiya ng Southern Police District – Special Operation Unit para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso.
Sinabi ni Abrugena na ang forensic analysis ng mga nakumpiskang baril ay isinasagawa upang matukoy ang anumang mga link sa mga nakaraang krimen. (JOJO SADIWA)