Advertisers
Hindi kinagat ang panawagan na magbitiw ang mga opisyal sa pamahalaan na nagbibigay daan sa isang transition team na maaaring pamunuan ni Totoy Osla bilang lider. Dahil hindi kinagat ang panawagan, kabaligtaran ang naganap at sinipa ng mahigit dalawang daang (215) kinatawang bayan ng malawak na kapulungan na nagkakaisang sinipa si Inday Siba na may ngalan ngayon na Inday Sinipa, hehehe. Nakakatuwa ang kaganapan sa kadahilanang ang walang bale na pwestong tangan sa pamahalaan ang sinipa dahil sa pagiging ganid ng opisyal sa salaping bayan. Walang pagdududa tama ang hakbang o ang kilos ng mga kinatawan sa Kamara dahil sa natuklasan sa pang aabuso sa pondo ng tanggapang pinamunuan ni Inday Sinipa, ang opisina ng abalang pangulo at ang DepEd. Sa pagdinig o pag-uusisang ginawa ng QuadCom, natuklasan ang mga paglustay sa salaping bayan ni Inday Sinipa na nagbunsod sa paghahain ng pagpapasipa at tuluyang pagsipa.
Marami ang natuwa’t nagulat sa kaganapan sa Kamara sa likod ng huling araw ng mga Kinatawang Bayan sa tahanan at nagpasya na ihain ang reklamo sa bahay ng bugok na kapulungan laban kay Inday Sinipa bilang abalang pangulo. Nakakagulat ang kaganapan sa likod ng pagpapatawag ng ilang grupo na magbitiw ang mga opisyal ng pamahalaan sa ngalan ng bigong pagpapatupad ng kagalingan pambayan. Subalit, maraming panawagan na galawan ang mga hinaing pagpapasipa sa abalang pangulo at sa dulo, sinipa din naman. May kahirapang tukuyin ang biglaang pagsipa sa abalang pangulo na umabot ng buwan at kalahati bago nagalawan. Ang paghuhunos dili ng kamara sa mga unang lingo’y tila naghihintay ng kumpas kung tutuluyan o hindi ang pagsipa kay Inday Sinipa. Sa salang hakbang ng mga mangmang ng kaTimugan napuno ang Buraot ng Bayan at Mamamayan (BBM) at binulungan si Mang Roman na “the show must go on”. Ang masakit, ang nananawagan ng resign all ang biktima ng katangahan at sariling panawagan, hehehe.
Malinaw at mahusay ang pagkilos sa Kamara na maihahambing sa isang mahika na nagpalaho sa atensyon sa panawagang pagpapabitiw ng mga opisyal ng bayan. Ang pagpapasipa sa abalang pangulo’y ‘di lang pagpapatigil sa panawagan sa pagbibitiw ng mga opisyal ng bansa sa halip na isantabi ang kilos ng mga mangmang kontra sa Buraot ng Bayan at Mamamayan (BBM). Sa totoo lang, tila sinusukat ng pamahalaan ang galaw ng kaTimugan. Sa labis na pag-aasam na makabalik sa pwestong natangan ibig idamay ang liderato ng bansa na nagdadalawang isip bago ang panawagan ng resign all. Hindi nakitaan ng kagalingan ang kaTimugan dahil wala naman at lumabis ang ambisyon na nagtulak sa BBM na ituloy ang pagsipa kay Inday Sinipa ng sila ang kumilos depensa. Sa pagsipa sa abalang pangulo, mag-iiba ang laro ng kaTimugan na sa halip na naka opensa, pagtatanggol ang kilos at ng ‘di mawala ang huling baraha sa politika. Ang kagalingan sa kilos ng Kamara malinaw na hindi makakagalaw ang kalaban higit sa nalalapit na kampanyahan sa pagkasenador.
Ang pagtatali sa mga kakamping senador ng kaTimugan higit ang mga magbabalik senado ang bentahe na nakuha ng mga bagong magpapahalal. Bawas ang panahon ng mga magbabalik senado sa pag-ikot sa bansa kung magtutuloy ang pagdinig sa pagpapasipa kay Inday Sinipa. Samantala, ang tamang ipapakita sa pagdinig ang tuwirang pang- aakit sa botong ibig. Sa katunayan, sa pagkilos huhusgahan ng mga manghahalal higit ang ibig na matuluyang mawala sa larangan ng politika si Inday Sinipa.
Sa kabilang banda, mababawasan o mawawala ang salaping pantustos ng kaTimugan sa mga kaalyadong tatakbo na mga senador sa halip gagamitin sa sariling pangangailangan. O ipambabayad sa mga senador na huhusga at maisasalang ang mga senador sa pagsusuri ng manghahalal. Matalas ang pakiramdam ng bayan sa mga senador na tatanggap ng salapi sa isasakdal at pupulutin sa kangkungan sa halalan. At sa susunod na halalan, umasang wala na ang lakas ng kaTimugan, at ang pagkagapi ng mga senador na bayaran ang asahan mapa-lokal o pambansang halalan. Saan kayo ngayon?
Sa totoo lang, ang maganda ang ikikilos ng mga huhusgang senador na kakakitaan ng patas sa pagdinig ang magdadala sa kanilang tagumpay sa darating na halalan. Ang pagkilos na walang bagahe ng utang na loob ang positibong palad sa kinabukasan sa halalan. Ang pagmamasid ng bayan sa magaganap sa senado ang magandang plataporma sa Mayo ngunit nakasalang ang pagkakaibigan sa nakaraan para sa kinabukasan. Maninimbang ang bawat senador higit batid na ang nakasalang ay kabuhayan at kinabukasan sa politika na batayan ng mga manghahalal sa zarzuela ng taon. Sa totoo lang, bentahe ng mga kinatawang bayan na tatayong prosecutor ang magaganap na pagdinig habang nakasalang ang kinabukasan ng mga senador na liliko sa landas sa pagpapasipa kay Inday Sinipa.
Ang pagpapasipa sa abalang pangulo ang usaping politika na masasabing mala telenobela na papanoorin ng madlang Pinoy. Mahalaga sa bayan na makita ang ikikilos ng mga taong magiging bahagi ng pagdinig sa senado na magiging batayan sa pagpapasya kung sino ang dapat at karapat dapat na manatili sa pwestong tangan. Sa nasabing pamamagitan, maaring may mapisil si Mang Juan na magiging pinuno ng bayan sa susunod na halalan. Ang tindig na para sa bayan ang inaasahan at hinahanap sa pagpapasyang gagawin. Hindi biro ang mga naisampang mga usapin sa abalang pangulo dahil salaping bayan ang nakataya at ang tiwalang ibinigay sa nakaraang halalan.
Ang matigil ang pagmamalabis sa salaping bayan ang inaasahan ng bayan ng magamit sa kagalingan ng nakakarami, higit ng mga tao sa laylayan. Sa totoo lang, natunaw na ang usapin ng pagbibitiw ng mga opisyal ng bayan at ang nagtutulak ang nakasalang. Ang mabilisang pagkilos ang inaasahan sa kaTimugan ng makahulagpos sa balag ng kamangmangan. Walang pagdududa na maselan ang sitwasyon ng kaTimugan sa ‘di inaasahang ikinilos ng malawak na kapulungan. Sadyang walang laman ang mga ulo ng mga nagtulak ng “resign all” at naisantabi ang sariling usapin sa layon na magagawa ang pagbabalik ni Totoy Osla bilang pansamantalang punong tagapagpaganap. Sa totoo pa rin, silip na ‘di na ibig ng sanlumikha ang pagbabalik ni Totoy Osla sa pagkakadulas ni Pugo ng senado ng insultuhin ang punong guro ng kamangmangan. Sa ngayon ang sigaw na resign all sa opisyal ng pamahalaan ay kusang maglalaho kasabay ng paglaho ng mga mangmang ng kaTimugan.
Sa huli, ang Saligang Batas ang natitirang alas ni Inday Sinipa na makahulagpos sa usapin sa teorya ng teknekalidad higit sa panahon nasa pahinga ang dalawang kabahayan ng kongreso.
Maraming salamat po!