Advertisers
KUMBINSIDO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi maaapektuhan ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang ekonomiya ng Pilipinas.
Sa press briefing sa Malakanyang, binigyang-diin ni PBBM na nananatiling matatag ang pamahalaan sa mga investment plans, estratehiya, at mga reporma sa istraktura.
Una nang pumirma ang hindi bababa sa 215 miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa impeachment complaint laban kay Duterte, dahilan upang direktang maipadala ito sa Senado para sa paglilitis.
Kabilang sa mga mabibigat na alegasyon ang umano’y sabwatan upang patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kasama rin sa reklamo ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, katiwalian sa Department of Education (DepEd), hindi maipaliwanag na yaman, at kabiguang isiwalat ang mga ari-arian.
Iniuugnay din si Duterte sa mga alegasyon ng extrajudicial killings, destabilisasyon, pag-aalsa, pampublikong kaguluhan, at hindi angkop na pag-uugali habang nasa tungkulin. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)