Advertisers
SINALAKAY ng Manila Police District (MPD) ang isang maliit na silid sa Barangay 310, Maynila nitong Huwebes, kungsaan ginagawa at inililimbag ang mga pekeng Persons with Disability (PWD) ID.
Natuklasan ng pulisya na isang babae ang gumagawa ng mga pekeng PWD ID na may pirma ng mga alkalde mula sa Quezon City, Maynila, Pasig, Muntinlupa, at Bulacan.
Matatagpuan ang ilegal na operasyon sa isang maliit na espasyo sa loob ng isang compound, na maaari lamang pasukin sa pamamagitan ng isang maliit na pintuan. Sa loob, nadiskubre ng pulisya ang isang desktop computer at printer na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng ID.
Inamin ng suspek na mula nitong nakaraang taon pa siya gumagawa ng pekeng PWD ID, na ibinebenta sa halagang P100 bawat isa, o P200 kung idadaan sa fixer.
Sinabi rin niya na ang template ng mga pekeng ID ay mula mismo sa fixer o kliyente, at kinakopya pa niya ang pirma ng mga alkalde upang magmukhang tunay.
Bagama’t batid ang legal na kaparusahan, sinabi ng babae na napilitan siyang gawin ito dahil wala siyang trabaho. Inamin din niyang gumagawa siya ng iba pang pekeng dokumento tulad ng birth certificates, transcript of records, at certificate of employment.
Samantala, timbog din ang tatlo katao na namemeke ng PWD Ids sa entrapment operation ng mga operatiba ng MPD nitong Miyerkules.
Kinilala ang mga naaresto na sina Marites Esedera, 34 anyos; Erdie Macaspac, 49; at Michelle Janaban, 31, pawang residente ng Sta.Cruz, Manila.
Mahaharap sa mga kasong falsification of Public Documents at Manufacturing and Possession of Instruments for Falsification ang mga naaresto.(Jocelyn Domenden)