Advertisers
CONGRATS for the job well done kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director MGen. Nicolas Torre III at Bureau of Customs Intelligence and Investigation Service Chief Alvin Enciso!
Mistula namang malaking bukol ang naiwan kay Batangas OIC PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr. ang ginawang raid sa pugad ng paihi/buriki syndicate sa Brgy. Subukin, San Juan Batangas noong February 4, 2025 ng mga tauhan ng CIDG-Crame at BOC Manila based operatives.
HINDI lamang malaking bukol ang inabot ni Col. Malinao Jr. at matinding sakit ng ulo ni butihing Batangas OIC PD na kilala ding dating protegee ni dating presidente Digong Duterte kapag ang matagal nang nag-ooperate na tatlong kuta ng paihi/buriki sa Batangas City at dalawa pang katulad nitong sindikato na kumikilos naman sa bayan ni Padre Garcia Mayor Celza Braga-Rivera ay napagdiskitahan na ding salakayin ng mga operatiba ni MGen. Torre III at ng BOC.
Si Mayora Rivera ay maybahay ni Batangas Gubernatorial Candidate Michael Angelo Rivera na isang taga Nueva Ecija at talunang partylist Representative candidate noong 2022 election.
Hindi na natin masinsinang tatalakayin pa kung papaano naging matagumpay ang joint operation ng magkasanib na tropa ng CIDG-Crame at BOC South Harbor Manila based operatives na sapat upang bigyang pugay ang bawat opisyales at miyembro ng raiding troop.
May 26 na katao kabilang ang dalawang Chinese National ang nasakote,umabot sa 217,000 litro ng petroleum product na nagkakahalaga ng hihigit pa sa Php 13M ang nakumpiska ng mga tauhan nina Gen. Torre III at Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Hindi lamang ganito kalaking kantidad ang makukumpiska ng CIDG-Crame at BOC kapag nasalakay din ng mga ito ang mga pugad ng petroleum thieves, paihi/buriki na minamaneobra nina alyas Rico Mendoza, Etring Hidalgo alyas Payat at Efren sa mga kuta ng mga ito sa Brgy. Banaba West Bypass Road malapit sa Integrated School at UC Gasoline Station at Brgy. Banaba South Bypass Road sa tapat ng Toyota Cars Parking Area.
Sina alyas Rico Mendoza, Etring Hidalgo aka Payat at Efren ay pawang mga dummy o front lamang ng isang opisyal ng Batangas PNP Provincial Office na hayag na siyang tunay na financier, kapitalista o lider ng naturang sindikato.
Isang alyas Mike Mendoza ang taga-ikot at siyang lingguhang namumudmod ng milyones na payola sa mga opisina ng mga PNP, NBI, local at maging mga barangay official upang hindi ang mga ito magligalig.
Ang isa pang sindikato ng paihi/buriki sa Batangas City ay ang mahigit sa 40 years nang pinatatakbo ng isang alyas Balita sa isang beach resort sa Brgy. Simlong sa naturang ding lungsod na nasasakupan ni Brgy. Chairman Rufo Caraig. Ang mga nakaw na produktong petrolyo ni alyas Balita ay ibinabiyahe ng pumpboat mula sa Brgy. Simlong patungong Brgy. Balatero, Puerto Galera, Oriental Mindoro gabi-gabi at doon ipinabebenta.
Ang dalawa pang paihian/burikian ay ang ino-operate sa bodega ng isang Roy sa Brgy. Bawi at ang isa pa ay nasa likuran ng bahay ng isang alyas RR sa Brgy. San Felipe, kapwa sa bayan ng Padre Garcia.
Napakatagal ng nag-ooperate ang mga naturang sindikato sa lalawigan ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas, ngunit dahil sa protektado ang mga ito ng ilang PNP at NBI official, dalawa pa sa paihian/burikian ay kinakapitalan ng isang Batangas PNP official ay hindi matinag-tinag ng mga awtoridad.
Ilang araw nang ini-aanunsyo ng tauhan ni Gen. Torre III sa inyong lingkod na tiyak na kanilang ikakasa at isusunod na sasalakayin ang mga kuta ng paihian/burikian at pasingawan sa Batangas City at sa bayan ng Padre Garcia. Ito ang ating aabangan at babantayan.
Hindi na dapat madagdagan pa ang bukol, sakit ng ulo at masibak pa sa kanyang pwesto si Col. Malinao Jr. kung pakikilusin nito ang kanyang mga police chief at mga tauhan.
Tiniyak naman ni COMELEC Commissioner Atty. George Garcia na anumang kahilingan sa paglilipat o Request To Transfer of PNP Official and Personnel ay kanilang aaksyunan sa loob lamang ng tatlong araw.
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144