Advertisers
Pinapurihan ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation, Secretary Larry Gadon nitong Miyerkules ang mga miyembro ng House of Representatives na nagsulong ng ‘impeachment’ ni Vice President Sara Duterte.
Ani Gadon para sa kanyang ‘personal opinion’ nasa mga mambabatas ang kanyang suporta sa pagsusulong na maii-impeach ang Vice President.
“Hinahangaan ko ang mga Kongresista na nag-endorso at pumirma ng impeachment ni Vice President Sara Duterte. Mabuhay kayo! At hinahangaan ko kayo sa inyong pagkiling sa katotohanan at katarungan. Nararapat lamang na i-impeach si Vice President Sara Duterte dahil sa kanyang kamalian diyan sa kanyang opisina. Kaya’t mabuti na lamang kayo ay kumiling sa katotohanan at katarungan,” ang pahayag ni Gadon.
Dagdag pa ng Palace official, siya ay nanawagan din sa mga Senate members na isulong at ayunan din ang hakbang ng House of Representatives.
“Ako ay nanawagan sa mga Senador na kanilang ayunan ang ginawang aksiyon na ito ng mga Kongresista, na i-impeach si Vice President Sara Duterte. Kayo ay dapat din kumiling sa katotohanan at katarungan,” panwagan ni Gadon.
“Hayag na hayag ang mga kamalian na ginawa ng Vice President, kaya kinakailangan nating sundin ang Saligang Batas na siya ay i-impeach,” dagdag pa niya.
Iginiit din ni Gadon, na dapat ay di sumablay ang mga senador sa hakbanging ito, at di dapat mangamba sa mawawala nilang boto sa mga taga-Davao na balwarte ng mga Duterte.
“Para sa mga senador na nag-iisip, na nanghihinayang sa mawawala nilang boto sa Davao, ang isipin ninyo, at gamitin ninyo ang mathematics, na mas malaki ang mawawala sa inyo, kapag kayo ay di umayon sa hakba na iyan na impeachment,” punto ni Gadon.
“Mas malaki ang mawawala sa inyo kung poprotektahan lamang ninyo ang boto ng Davao. Eh mas malaki ang boto ng buong Pilipinas na mawawala sa inyo, di ninyo iniisip. Mathematics lang iyan,” paliwanag pa ni Gadon.
Kinumpirma din ni House Secretary General Reginald Velasco na nakakuha na ng sobra pang bilang ang mga mambabatas para maisulong ang impeachment.
153 mambabatas ayon kay Velasco ang pumirma na sa impeachment, lagpas sa tinatakdang 102 pirmang kinakailangan, para ito ay mapadala na sa Senado na siya namang magsisilbing Korte ng impeachment.