Advertisers
NABUNYAG ang pang-iespiya ng ilang Chinese sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa Palawan at iba pang bahagi ng bansa kungsaan nakahimpil ang mga barko ng Pilipinas.
Nakumpirma ito nang makumpiska ng mga awtoridad ang mga gamit sa pang-iespiya tulad ng high resolution CCTV cameras na nakaharap sa mga erya na pinanggagalingan ng mga barko ng PCG at Navy at ng drones na pinalilipad kapag paalis na ang naturang mga barko ng gobierno.
Pinaniniwalaan na kaya nalalaman ng China Coast Guard at China Navy ang supply mission ng gobierno sa Ayungin Shoal kungsaan nakabara ang nagsisilbing istasyon ng Ph Navy na barkong Sierra Madre ay dahil sa naturang mga CCTV sa Ulugan Bay sa Palawan at Buliluyan Port kungsaan nakahimpil ang PCG Headquarters.
Depensa naman ng ilang nahuling “Chinese spy”, hindi sila spy kundi negosyante. Nasampahan na ng kasong espionage ang mga ito.
Ano nga ba ang rason ng mga Intsik na ito para mag-espiya sa base ng PCG at Navy? Nagpaplano na ba silang sakupin ang ilang bahagi ng Pilipinas? Dapat tutukan na ito ng gobierno, doblehin ang pagbabantay sa ating mga isla sa West Philippine Sea, at laliman pa ang pag-aresto sa mga Chinese spy.
Masyado na kasing nawiwili itong China dahil batid nila na masyadong mahina ang military equipments ng Pilipinas kumpara sa kanilang puwersa. Kumbaga ay wala pa sa kalingkingan ng China ang ating AFP. Pero sabi nga, walang maliit na hindi nakakapuwing. Halimbawa lamang dito ang labanan ng Ukraine at Russia. Inakala ng Russia na masasakop nila ang Ukraine sa loob lang ng dalawa hanggang tatlong buwan pero inabot na ng taon ay hindi parin tapos ang kanilang giyera, at mukhang matatalo pa nga ang Russia sa tulong narin ng mga makabagong gamit ng Amerika.
Ang giyera ng maliit na bansang Israel laban sa mga nakapaligid sa kanila. Halos ubusin na ng Israel ang mga opisyal ng kanilang mga kalaban gamit ang mga makabagong armas mula rin sa Amerika.
At yan din ang inaasahan ng Pilipinas kapag giniyera ng China, ang sumandal sa mga gamit pandigma ng US. Kaya yung mga galit sa pagpasok ng US military sa Pinas, mag-isip ng maige…
Ang China ay hindi mabuting kaibigan, gusto nilang sakupin ang Pilipinas dahil batid nila kung gaano kaganda ang ating bansa, isang agricultural at ubod ng yaman at karagatan.
God save Philippines…
***
Isang mini shabu lab ang nabunyag sa Tanza, Cavite nang sumabog ito habang nagluluto raw ng shabu ang mga Chinese.
Ang tanong rito: Paano naispasok sa bansa ang mga gamit o kemikal sa paggawa ng shabu nang hindi manlang na-detech ng Bureau of Customs o ng Philippine Coast Guard?
Dapat itong imbestigahan ng House Quad Committee. Now na!