Advertisers
NAGPAHAYAG ng pasasalamat ang Malakanyang sa patuloy na mataas na suporta mula sa publiko batay sa mga resulta ng mga survey.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na pinahahalagahan ng administrasyon ang mga positibong resulta na natamo ng gobyerno.
Kabilang sa mga nakuhang papuri ay ang pagtugon ng gobyerno sa mga kalamidad, pagbibigay ng dekalidad na edukasyon, at pagsisikap na iahon ang mga mahihirap mula sa kahirapan at magbigay ng hanapbuhay sa mga manggagawa.
Ayon kay Bersamin, pinahahalagahan din ng pamahalaan ang mainit na pagtanggap ng publiko sa mga hakbang nito sa pabahay, pagsiguro ng pagkain sa bawat hapag-kainan, at pagpapabuti ng transportasyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Bersamin na ang mga survey ay nagsisilbing “weathervane” o panukat ng opinyon ng publiko.
Aniya, ang tunay na sukatan ng serbisyo publiko ay kung napapabuti ba nito ang buhay ng mga tao.
Itinuturing din ng Malakanyang ang mga survey bilang mahalagang feedback tool dahil ito ang nagbibigay-daan sa gobyerno upang higit pang mapahusay ang pagbibigay ng serbisyo sa sambayanan. (Gilbert Perdez)