Advertisers
Nasawi ang isang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at isang magsasaka sa mga hiwalay na pananambang sa dalawang bayan sa Maguindanao del Sur nitong Martes.
Sa ulat nitong Miyerkules ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, unang napatay ng mga armado ang magsasakang si Nasser Andal Mohamad sa Barangay Kaya-Kaya sa Datu Abdullah Sangki.
Sakay si Mohamad ng kanyang kuliglig, o sasakyang hatak ng hand tractor na may kargang mga gamit sa pagsaka, ng tambangan ng mga armadong nakaabang sa kanya sa isang bahagi ng isang farm-to-market road sa Barangay Kaya-Kaya.
Makalipas ang ilang oras, napatay naman ng mga armado sa isang mataong lugar sa sentro ng Buluan, Maguindanao del Sur ang CAFGU member na si Benjie Uyag.
Kinumpirma ng mga opisyal ng Buluan Municipal Police Station ang agad na pagkamatay ni Uyag, residente ng Barangay Tumbao sa naturang bayan, sanhi ng naturang pamamaril.
Wala pang linaw sa mga imbestigador ng mga police stations sa Buluan at Datu Abdullah Sangki kung sino mga pumatay kina Mohamad at Uyag at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang mga hiwalay na krimen.