Advertisers
NASAWI ang isang misis at dalawang batang anak nang pagtatagain ng palakol ng mister na umano’y lango sa iligal na droga sa Barangay Lutac, Naga City, Cebu, Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Junelyn Jimenez, 32 anyos; John Carlo, 11; at LJ, 2.
Pinaghahanap pa ang salarin na si Carlo Camporendondo, 32, na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa report ng Naga City Police, naitala ang krimen sa tahanan ng pamilya 10:00 ng umaga. Narinig pa ng mga kapitbahay ang nakakabahalang mga sigaw ng mag-iina.
Sa pahayag sa mga awtoridad ng mga kamag-anak ng ginang, palaging nag-aaway ang mag-asawa dahil sa sobrang seloso ang mister at ilang beses nang pinagbabantaan ang buhay ng kaniyang misis.
Nang magresponde ang pulisya, nadatnan nila ang mga bangkay ng mag-iina na naliligo sa dugo, tadtad ng taga ng palakol sa kanilang mga katawan.
Sa ulat, napapabalita na isang adik sa iligal na droga ang salarin na minsan nang sumailalim sa rehabilitation program pero nang makalabas muling nagbalik sa masamang bisyo. Inaalam pa ng mga awtoridad kung nasa impluwensya ito ng droga nang mangyari ang karumal-dumal na krimen.