Advertisers
OPISYAL nang naupo muli sa itinuturing na pinaka-mataas na trono sa buong mundo itong si Donald Trump bilang ika-47 Presidente ng Estados Unidos.
Pihadong inaabangan ng lahat ang magiging tindig nito sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) kung saan patuloy na nagmamatigas ang mga Singkit sa kanilang kahibangan sa naturang lugar.
Sakaling kampihan [sana] tayo ay tiyak na matitikman nitong Tsina ang ‘kamandag’ ng kakaibang takbo ng isip nitong si Trump na makailang beses nang pinatunayan sa kanyang mga naging desisyon.
Nakita naman natin kung paano nabulabog ang buong mundo nang ihayag ni Trump na tila sasakupin ang kalupaan ng Greenland maging ang bansang Canada bago pa man ito makaupo muli sa trono.
Binigyan din ng ultimatum ang TikTok na kilalang pag-aari ng Tsina! Sikat na sikat sa naturang bansa subalit hindi na ito papayagan kapag hindi pumayag ang mga Singkit na isama ang Estados Unidos na magmay-ari nito ng 50 porsiyento.
Sinasabing magbabago rin ang kalagayan ng mga kasalukuyang digmaan tulad ng Ukraine at Russian maging doon sa Gitnang Silangan na pinagbibidahan ng bansa na kung tawagin ay Israel.
Matagal na panahon na rin tayong tinatarantado ng Tsina doon sa WPS na nitong huli ay pumasok na sa Exclusive Economic Zone (EEZ) malapit sa mga baybayin ng lalawigan ng Zambales.
Ilang beses nang binomba ng tubig, ginamitan ng ‘laser’ at binangga ang mga barko natin sa karagatan na pilit sinasakop at inaangkin ng Tsina gamit ang kanilang mapa na nabuo ng kanilang kahibangan.
Sana sa pagkakataon na ito na nagpalit ng administrasyon ang Estados Unidos ay patuloy tayong kampihan dahil sa pagkakataon na ito ay tiyak na magiging agresibo ang galawan diyan sa WPS.
Kung kakaiba mag-isip ang Tsina kaugnay sa kanilang kahibangan sa WPS ay siguradong alam nila na kakaiba rin mag-isip itong si Trump. Buwang laban sa buwang ang laban dito kapag nagkataon!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com