Advertisers
PINAGKALOOBAN ng executive clemency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ginawaran ng Pangulong Marcos si Mabilog ng executive clemency dahil sa kaniyang magandang track record sa good governance na may kasamang mga awards and recognition kung saan kinilala ang kaniyang kahusayan sa pamamahala sa Iloilo City.
Pinagbatayan ng Malakanyang ang paggawad ng executive clemency ay ang October 23, 2017 desisyon ng Office of the Ombudsman kung saan dinismiss si Mabilog sa paglabag sa Section 3 paragraph H ng RA No. 3019.
Ang Seksyon 3(h) ng RA 3019 ay nagbabawal sa mga pampublikong opisyal na magkaroon ng pinansyal na interes sa isang negosyo, kontrata, o transaksyon kung saan sila lumahok sa kanilang opisyal na kapasidad.
Ang kautusan ay nag-ugat sa isang reklamong inihain noong 2013 ni Manuel Mejorada, ang dating provincial administrator ng Iloilo, na nagbibintang ng dishonesty at grave misconduct na may kaugnayan sa paggawad ng kontrata ng gobyerno sa isang towing services firm kung saan nagkaroon ang dating alkalde at dating Iloilo City Councilor ng isang nakatalagang interes.
Samantala, noong 2016 naman nang isama siya sa drug list at inakusahan ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na diumano’y kabilang sa narcopoliticians, kaya nagtago ito nang matagal sa ibang bansa.
Nakasuhan din ito ng panibagong graft kamakailan at dinidinig pa ito hanggang ngayon.
Noong Setyembre ng nakalipas na taon nang bumalik sa bansa si Mabilog at naghain ng piyansa para sa kaso niyang graft.
Lahat ng ito ay dinipensahan ni Mabilog kaya naghain ito sa Office of the President ng petisyon para sa executive clemency at pagtatanggal sa kaniya ng administrative penalties at disabilities na pinagbigyan naman ng palasyo.
Sa pagbibigay ng executive clemency, pinapayagan na ngayon si Mabilog na tumakbo para sa pampublikong opisina, ayon kay Executive Secretary Bersamin. (Vanz Fernandez)