Advertisers
MATAPOS ang ilang taon ng katahimikan mula sa spotlight, ang dating child star na si Jiro Manio ay nagbabalik sa mundo ng pelikula sa pamamagitan ng indie film na Eroplanong Papel ng Inding-Indie Film Production. Isang kuwento ng pag-asa at pagbabago, ang pelikula ay isinulat ng premyadong si Nathaniel Perez at idinirehe ng batikang direktor na si Ron Sapinoso.
Hango ito sa makapangyarihang talata mula sa Hebreo 3:13: “Magtulungan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ‘ngayon,’ upang walang sinumang madaya sa inyo at maging alipin ng kasalanan.”
Ang mensaheng ito ang puso ng pelikula, na naglalaman ng aral tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng kabutihan at pagkilos sa kasalukuyan. Ang pelikula na nakatakdang kunan sa La Vista Pansol Resort sa loob lamang ng tatlong araw, para kay Jiro ay naging personal na salamin ng kanyang sariling buhay—isang kuwento ng muling pagbangon mula sa mga hamon na minsang nagpatigil sa kanya.
Sa kabila ng matitinding pagsubok, pinatunayan ni Jiro na ang pananampalataya at suporta mula sa pamilya at kaibigan ay sapat upang makabangon mula sa anumang pagkakalugmok. Ito rin ay pinaghandaan bilang inspirasyong handog sa mga tao na maaaring dumaan din sa parehong landas na kanyang tinahak.
Para kay Jiro, ang “Eroplanong Papel” ay hindi lamang isang pelikula kundi isang simbolo ng pagbabago at bagong simula. Ito ay patunay na sa kabila ng anumang hirap at pagkakamali, laging may pagkakataon para bumangon at magsimula muli. Ang mensahe ng pelikula ay hindi lamang magbibigay inspirasyon kundi magbubukas din ng puso ng mga manonood upang pahalagahan ang kasalukuyan at ang mga taong handang tumulong sa kanila.
Sa likod ng tagumpay ng pelikula ay ang pamumuno ni Direk Ryan Manuel Favis, co-manager ng Star Cinema at Net25 Starkada, na nagsilbing executive producer. Kasama niya ang co-producers na sina Marvin Favis, na kilala bilang “Crypto King” ng YouTube, Milo Rivera, ina ni Onemig Bondoc, at Kpan Talent Management na pinamumunuan ni Sir Pete Nogaliza.
Bukod kay Jiro, tampok din sa pelikula ang mga baguhang artista tulad nina Princess Johns, Rayesha Peiris, Bianca Donor, at Daniel Briones, na lahat ay dumaan sa masusing pagsasanay sa pag-arte.
Ang mga artistang ito ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na makasama si Jiro na ginawaran noon ng Gawad Urian Best Actor sa bansa. Kasama rin sa cast ang mga kilalang personalidad tulad nina Zach Francisco ng Net25 Starkada, Rhy TV ng YouTube, Razzid Eusebio, Lyra Zafra ng Inding Indie, at Ballpointman, na suportado ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Malaki naman ang basbas na binigay ni Mars Galang na kasalukuyang sikat na graphic and costume designer. Ayon sa kanya, masaya ito sa naging suporta na ibinigay ni direk Ryan Manuel Favis.
Ipalalabas ang “Eroplanong Papel” sa Film Development Council of the Philippines sa darating na Abril 7, 2025.
Huwag palagpasin ang pagkakataong masaksihan ang makabagbag-damdaming kuwento ng pagbabalik at tagumpay ni Jiro. Isang pelikula na magpapaalala sa atin na laging may pag-asa, laging may bagong simula, at laging may dahilan para lumipad muli.