Advertisers
KRITIKAL ang 6-anyos na bata nang bugbugin ng ina ng kalaro sa Caloocan City.
Kuwento ng mga kaanak ng biktima, pumunta ang batang si Elisha sa bahay ng kaibigan nito para maglaro.
Ngunit nang makita ulit nila ang bata, wala na itong malay, duguan ang ulo at may mga pasa sa katawan.
“Halos ‘di ko makilala ‘yung pamangkin ko kasi namamaga ‘yung mukha, namamaga ‘yung mata. Tapos ang daming pasa,” kuwento ng tiyahin ng biktima.
“Nakakapanlumo kasi hindi nga namin sinasaktan ‘yung bata tapos ganu’n ‘yung gagawin sa kanya,” dagdag niya.
Inaresto na ng mga awtoridad ang salarin.
Ayon sa pulisya, mismong ang 6-anyos na anak ng salarin ang nagturo sa ina nito na gumawa ng pambubugbog sa biktima.
Idinetalye pa nito kung paano sinaktan ng kanyang ina ang kanyang kaibigan.
“According to the statement of the witness, pumasok daw ‘yung mama niya and then, no apparent reason, inuntog-untog daw ‘yung kalaro niya sa bowl. Apat na beses then, binuhat at inuga-inuga,” ani Police Captain Romel Caburog, hepe ng Hillcrest Police Sub-Station.
Narinig daw ng kapatid ng salarin ang mga sigaw sa bahay at nang puntahan niya ito, nakita niya ang bata na nakahandusay at nagsusuka ng dugo.
Isinugod sa ospital ang biktima na nagtamo ng malalalim na sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan.
Naoperahan ang biktima nitong Linggo at kritikal parin ang kalagayan hanggang nitong Lunes.
Wala pang ibinibigay na pahayag ang salarin hinggil sa insidente.
Inaalam pa ng otoridad ang motibo sa pananakit.
“‘Yun ang tinitingnan pa rin natin ngayon kung bakit niya nagawa sa bata… Pero based sa investigation natin, tinanong natin ‘yung nanay ng salarin natin… May record siya na may mental disorder,” ani Caburog.
“Kung anuman dahilan niya, for me, hindi reasonsable ‘yun to do that sa pamangkin ko… Baby ko ‘yun. Baby namin ‘yun. Sobrang sakit. Sobrang sakit sa amin… Lumalaban pa rin siya. Lumalaban siya sa buhay niya,” ani tiyahin ng biktima.
Mahaharap sa frustrated murder ang salarin na nakakulong sa Hillcrest Police Sub-Station.