Advertisers
INGINUSO si dating Court of Appeals (CA) justice at nagsilbing Leyte 3rd District representative na si Congressman Vicente “Ching” Veloso 111 bilang utak sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa loob ng sabungan sa Tabango, Leyte noong 2016.
Ito’y matapos muling buksan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Major Crime Investigation Unit ang kaso at sampahan ng murder si Veloso bilang mastermind sa pagpatay kay
Kagawad Anthony Sevilla Nuñez ng Barangay Malawaan sa loob ng sabungan sa Barangay Manlawan sa bayan ngTabango noong Enero 23, 2016.
Kabilang sa mga suspek sa krimen sina Nicolas Banez, alyas “Butoy”, William Louse Laguindo, Richan Dejon Pernis, alyas “Pernis Rexon”, Edwin Commendador at Edwin Mulle.
Muli itong isinampa ng CIDG nitong Enero 22, 2025 nang kilalanin nina Pernis, Laguindo at isa pang saksi si Banez bilang gunman sa krimen.
Kilalang supporter si Nuñez ng karibal ni Veloso sa politika.
Sinabi ng CIDG na nagpasya si Pernis, 44 anyos, dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at residente sa Barangay Ugbon, Leyte na makipagtulungan sa imbestigasyon nang malaman niya na nais din umano siyang ipaligpit ni Veloso.
Mayroon ding nakabinbing warrant of arrest si Pernis para sa isa pang kaso ng pagpatay.
Ibinunyag ni Pernis na hinikayat siya ni Banez, na dati niyang platoon commander sa NPA, na magtrabaho sa sakahan ni Veloso sa Sitio Busay, Barangay Guinciaman, San Miguel, Leyte.
Ipinagtapat din umano sa kanya ni Banez na si Veloso ang nag-utos sa kanila na isagawa ang pagpaslang sa kanyang mga karibal sa pulitika, kabilang si Nuñez.
Binigyan umano sila ng P2,000 ni Veloso, na dati ring mahistrado sa Court of Appeals (CA), para sa mga gastusin bukod pa sa monthly allowance na P5,000.
Bukod kay Pernis, nagboluntaryo rin si Laguindo, 39, na nakakulong sa Biliran BJMP, para sa hiwalay na kaso ng pagpatay, na magbigay ng pahayag tungkol sa kaso ni Nuñez kungsaan positibo niya ring kinilala si Banez bilang gunman.
Wala pang pahayag si Veloso sa nasabing kaganapan.