Advertisers
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) agents ang anim na taong sangkot sa ‘pagbebenta ng posisyon’ sa Bangsamoro parliament gamit ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Sa ginawang entrapment operation sa Manila Hotel, nakilala ang mga suspek na sina Diahn Sanchez Dagohoy, Bolkisah Balt Datadatucala, Alenjandro Barcena Lorino Jr., Joseph Catunao, Leomer Abon, at Tita Natividad.
Ayon sa isang ulat, nagpanggap ang grupo bilang mga empleyado ng Malacañang at sinabing may kaugnayan sila sa Unang Ginang na nangangako sa mga biktima ng mga posisyon sa gobyerno sa Bangsa Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kapalit ng malaking halaga ng pera.
Naaresto ang grupo dahil sa ginawang complaint ni former Maguindanao representative Esmael Mangudadatu, na inalok ng P8 milyon kapalit ng parliamentary seat.
Tungkol pa rin sa scheme, agad na tinaasan ng grupo ang presyo kay Mangudadatu. Inalok siya ng P15 milyon para naman sa dalawang posisyon para sa kanyang anak at pamangkin.
Ang lider ng grupo na si Dagohoy ay nangako sa mga biktima na ang kanilang posisyong matatanggap ay isasaayos mismo ng First Lady.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong ‘syndicated estafa’ at ‘usurpation of authority’ or ‘official functions.’
Samantala, binalaan ni First Lady Liza Marcos ang mga indibidwal na umano’y gumagamit ng kanyang pangalan para italaga sa isang posisyon sa gobyerno.
Nilinaw pa ng Unang Ginang na hindi siya sangkot sa anumang appointment para sa administrasyong Marcos.