Advertisers
Upang masigurong may mabibiling abot-kayang bigas ang publiko, hinimok ni dating Senador Kiko Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) na ibenta ng mas mura ang 300,000 toneladang “aging rice stock” ng National Food Authority (NFA) sa KADIWA outlets kapag idineklara na ang food security emergency.
Bagama’t ipinagbabawal ng Republic Act No. 11203 o Rice Tarrification Law ang direktang pagbebenta ng NFA sa publiko, sinabi ni Pangilinan na pinapayagan ng Republic Act No. 12078 ang DA Secretary na ibenta ang stock ng bigas ng NFA sa pamamagitan ng KADIWA outlets tuwing may food security emergency.
Inanunsiyo ng DA na balak nitong magdeklara ng food security emergency sa Enero 22.
“Sa mahal ng mga bilihin ngayon, malaking tulong at ginhawa para sa mga kababayan natin ang pagkakaroon ng mura at abot-kayang bigas na maaring bilhin sa mga Kadiwa centers,” paliwanag ni Pangilinan.
Umaasa ang dating senador na mabilis na ipamamahagi ng gobyerno ang suplay ng bigas ng NFA upang mapagaan ang pasanin ng mga Pilipinong nakukuba na sa mataas na presyo nito.
“Kailangang maipatupad ito sa lalong madaling panahon upang maibsan ang mga pasanin ng mga naghihikahos nating kababayan,” ani Pangilinan, na nagsilbing food security czar sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III mula Hunyo 2014 hanggang Setyembre 2015.
Sa panahon ng kanyang panunungkulan, matagumpay na naibaba ni Pangilinan ang presyo ng bigas ng hanggang P3 kada kilo, na nagresulta sa pagbaba ng rice inflation mula 15 porsiyento patungo sa 0.8 porsiyento, at nauwi sa pinakamababang antas ng inflation sa bansa sa loob ng 20 taon.