Advertisers
DAHIL sa nalalapit na eleksyon, na gaganapin sa Mayo 12 ng taon, nagpatupad ng balasahan ang liderato ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng pagsisimula ng election period.
Nagpatupad narin ng nationwide PNP-Comelec Checkpoint para sa gun ban.
Oo! Naging tradisyon na ng PNP ang pagpatupad ng re-shuffle sa pagitan ng police officers, kabilang ang mga regional, city police directors sa tuwing halalan. Ito’y upang maiwasan ang isyu ng pagkiling ng ilang miembro ng PNP sa mga kandidato.
Ayon kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor Remulla, January 8, 2025 pa sinimulan ang paglipat sa libong police officers sa iba’t ibang kampo ng PNP sa buong bansa.
Kabilang sa mga inilipat ng pwesto ay mga pulis na may mga kamag-anak na tumatakbo sa halalan. Mismo!
Kabilang sa mga ni-re-shuffle ay regional police directors mula sa Region III, Region VII, Region IX at ang hepe ng Highway Patrol Group (HPG).
Mabuhay ang PNP!
***
Sang-ayon naman si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. sa naging pahayag ng kanyang Chief Legal na 100-anyos, ex-Senate President Juan Ponce Enrile, na maaring magdulot ng “detrimental precedent” kung susundin ang lohika sa “national rally for peace” ng Iglesia ni Cristo (INC).
Matatandaan noong Lunes, Enero 13, 2025, nagsagawa ng nationwide rally ang INC, na dinaluhan ng higit isang milyon sa Luneta, Manilam maliban pa sa Visayas at Mindanao, upang ipakita ang umano’y suporta nito kay PBBM na tutol sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Pero naniniwala si PBBM na hindi angkop ang panahon para sa impeachment dahil magiging abala na ang mga mambabatas sa pangangampanya para sa midterm election.
“But I don’t think that now is the time. In fact as a practical matter, papasok na tayo sa campaign period, wala nang congressman, wala nang senador dahil nangangampanya na sila,” diin ni PBBM.
Si VP Sara ay nahaharap sa tatlong mpeachment complaints kaugnay ng kinukuwestyong P612.5 milion confidential funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education, kungsaan nalantad sa mga pagdinig ng House Quad Committee na ang naturang public funds ay nilustay sa mga walang kabuluhang bagay. Kaya sinamahan ang pangalawang pangulo ng Bribery, Plunder, Betrayal of Public Trust at iba pang high crimes.
Sa ganang akin, tama si PBBM na huwag isampa sa ngayon ang impeachment laban kay VP Sara, dahil malamang na masayang lang ang panahon ng mga mambabatas lalo na ang taxpayers money na gagastusin dito.
Sa tingin ko ay mas maige na after election nalang ituloy ang impeachment.
Say n’yo, mga pare’t mare?
***
Inanunsyo ng PNP na malapit nang maaresto ang wanted na si Colonel Gerald Bantag, ang direktor ng Bureau of Correction (BuCor) na wanted sa umano’y pagiging utak ng pagpaslang sa journalist na si Percy Lapid.
Say ng PNP, tukoy na nila ang kinaroroonan ni Bantag. At anumang araw at oras ay mahuhuli na raw nila ito.
Saan nga kaya nagtatago si Bantag? Subaybayan!
***
Kung tukoy na ng pulisya ang kinaroronan ni Col. Bantag, si dating presidential spokesman Harry Roque, alam narin kaya nila ang pinagtataguan ng ugok na abogadong ito?
Si Roque ay may arrest warrant sa hindi pagdalo sa mga patawag ng Kongreso hinggil sa pagsangkot sa kanya sa mga iligal na POGO sa Pampanga.