Advertisers

Advertisers

2ND TRANCHE NG TAAS-SAHOD NG MGA KAWANI NG GOBYERNO APRUB NA

0 23

Advertisers

PIRMADO na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang National Budget Circular No. 597, na nagtatakda ng mga alituntunin, patakaran, at regulasyon para sa ikalawang tranche o bahagi ng taas-sahod ng mga sibilyang kawani ng gobyerno.

Alinsunod na rin ito sa pagpapatupad ng updated salary schedule para sa mga civilian government personnel na itinatakda sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 64 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Agosto ng nakaraang taon.

Ayon sa EO No. 64, ang updated salary schedule ay ipatutupad sa apat na tranches: ang una ay nagsimula noong Enero 1, 2024, ang ikalawa sa Enero 1, 2025, ang ikatlo sa Enero 1, 2026, at ang huling tranche sa Enero 1, 2027.



Sakop nito ang lahat ng civilian government personnel ng pamahalaan, sa kasalukuyan o sa mga susunod pang itatatag, sa ehekutibo, lehislatura, hudikatura, constitutional commissions, State Universities and Colleges (SUCs), at Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop ng Republic Act (RA) No. 10149 at EO No. 150, anuman ang estado ng kanilang appointment — regular, casual, o contractual; appointive o elective; at full-time o part-time.

Samantala, hindi saklaw ng circular ang mga uniformed personnel; mga ahensya ng pamahalaan na exempted sa RA No. 6758; mga GOCCs sa ilalim ng RA No. 10149 at EO No. 150; at mga indibidwal na walang employer-employee relationship, tulad ng consultants, laborers na may pakyawan o piecework basis, at mga manggagawang nasa job orders o contracts of service.

Nabatid na ang kinakailangang pondo para sa salary adjustment ngayong taon ay kukunin mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at iba pang available na appropriations sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act, alinsunod sa mga regulasyon sa budgeting, accounting, at auditing.

Para naman sa mga GOCCs na saklaw ng circular, ang pondo ay manggagaling sa kanilang corporate operating budgets na inaprubahan ng DBM.

Nilinaw naman ng budget department na ang hiwalay na circular ay ilalabas para sa mga alituntunin na angkop sa mga local government units (LGUs). (Gilbert Perdez)