Advertisers
PARA sa mamamayang mindoreño may ilang matataas na opisyal ng kapulisan at pulitiko ang nagpo-protekta sa operasyon ng iligal na sugal na ilang taon ng namamayagpag sa Oriental Mindoro.
Anila pa, hindi naman mamamayagpag ang iligal na sugal na jueteng at pergalan (perya-sugalan) sa Oriental Mindoro kung nahuhuli ng mga pulis ang mismong mga operator ng pasugalan.
Kaya naman ipinapanawagan nila sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na i-monitor at arestohin ang mga pulis opisyal na gambling operator/lord.
Walang pangingimi ang isa naming tagasubaybay sa kanyang kahilingan na kasuhan ang provincial at regional director ng PNP sa umanoy pananahimik ng mga ito at koneksyon sa iligal na sugal na jueteng at pergalan sa kanilang areas of responsibility (AoR).
Nanawagan din ang aming avid reader na panindigan ni Oriental Mindoro provincial director PCol Edison Revita at Police Regional Office MIMAROPA regional director PBGen Roger Quesada ang tuluyang pagpapahinto sa operasyon ng jueteng, color games at drop ball kung totoong wala silang kinalaman sa pamamayagpag ng iligal na sugal sa lalawigan ni Governor Humerlito Dolor.
Sa kanilang text messages, nanawagan sila kay DILG Sec. Jonvic Remulla, na sampahan ng kasong administratibo ang mga nabanggit na government officials dahil sa posibleng pangungunsinti ng mga ito sa iligal na sugal maging ang ilang maimpluwensiyang pulitiko sa nasabing lalawigan.
Hindi lamang pala ang pahayagang ito ang nag-iisa sa paglalantad ng katotohanan sapagkat maging ang payak na mamamayan ay tumutuligsa din sa di pag-aksyon ng kanilang kapulisan at hiniling nga nito kay Sec. Remulla na kasuhan maging ang ilang LGUs na nagbulag-bulagan sa iligal na sugal na talamak sa labing apat na bayan at isang siyudad.
Ayon pa sa mga galit na galit na residente, useless umano ang mga ginagawang raid sa perya at jueteng dahil ilang araw lamang ay balik na uli ang “gambling operation” at pangungubra ng taya ng mga kubrador at kabo.
Anila pa, dapat umanong paimbestigahan ng DILG ang mga kapitan at mayor sa umanoy pananahimik sa isyu ng iligal na sugal sa kanilang mga nasasakupan.
Itinanggi naman ng opisina ni Gov. Humerlito Dolor at Gov. Eduardo Gadiano na pinahintulutan nila ang anumang uri ng ilegal na sugal sa kanilang lalawigan.
Ibinunyag din ng ilang concern citizen na ayaw magpabanggit ng kanilang pangalan ang diumanoy milyones na “protection moneytulad ng “goodwill” at “weekly payola” para sa ilang mga tiwaling opisyal ng PNP at pulitiko na tumatanggap ng payola.
Kung nagawang ipatigil ni Gen Quesada ang mga perya na may sugal tulad ng drop ball at color games, dapat puksain at ipatigil din niya ang illegal number games na jueteng dahil hindi lamang mga ordinaryong mamamayan ang lulon sa bisyong sugal kundi maging ang mga kabataan na gabi-gabing naka tambay sa mga peryahan na tumataya ng libu-libo.
Kamakailan lang ay nanawagan itong si dating PNP Chief na ngayon ay Senator Ronald “Bato” dela Rosa kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na ipagpatuloy ang “internal cleansing” program sa hanay ng mga pulis upang mabawasan ang mga law enforcers na gumagawa ng kalokohan lalo na yong mga protektor ng iligal.
Ayon pa kay Dela Rosa mahalaga aniyang magtuluy-tuloy ang programa upang makamit ang pagbaba ng bilang ng mga abusadong pulis at tuluyang malinis ang institusyon.
Sinabi din ng senador na mahalaga dito ay magampanan ni Marbil ang mandato ng PNP na sugpuin ang lahat ng iligal na regular function ng pambansang pulisya.
Kung sabagay malaki ang tama ni Senador Bato kung tatalima si Marbil na ipagpatuloy ang paglilinis ng kanyang hanay batay na rin sa naging polisiya ng Philippine National Police (PNP) na “Internal Cleansing” at posibleng sasabit dito ang ilang matataas na opisyal ng kapulisan sa Oriental Mindoro dahil sa di masugpong operasyon ng iligal na sugal na matagal ng namamayagpag sa nasabing lalawigan na ginagawang gatasan ng ilang tiwaling opisyal ng PNP.
Tutukan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.