Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
MAGBABALIK-SHOWBIZ ang dating child star na si Jiro Manio. May gagawin siyang indie film titled Eroplanong Papel sa ilalim ng Inding Indie Film Production, at mula sa pemyadong manunulat na si Nathaniel Perez. Ididirehe ito ng batikang direktor na si Ron Sapinoso. Hango ito sa makapangyarihang talata mula sa Hebreo 3:13:
“Magtulungan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ‘ngayon,’ upang walang sinumang madaya sa inyo at maging alipin ng kasalanan.”
Ang mensaheng ito ang puso ng pelikula, na naglalaman ng aral tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng kabutihan at pagkilos sa kasalukuyan.
Ang pelikula na nakatalagang kunan sa La Vista Pansol Resort sa loob lamang ng tatlong araw.
Para kay Jiro, ang Eroplanong Papel ay hindi lamang isang pelikula kundi isang simbolo ng pagbabago at bagong simula. Ito ay patunay na sa kabila ng anumang hirap at pagkakamali, laging may pagkakataon para bumangon at magsimula muli.
Ang mensahe ng pelikula ay hindi lamang magbibigay inspirasyon kundi magbubukas din ng puso ng mga manonood upang pahalagahan ang kasalukuyan at ang mga taong handang tumulong sa kanila.
Sa likod ng tagumpay ng pelikula ay ang pamumuno ni Direk Ryan Manuel Favis, co-manager ng Star Cinema at Net25 Starkada, na nagsilbing executive producer.
Kasama niya ang mga co-producers na sina Marvin Favis, na kilala bilang “Crypto King” ng YouTube, Milo Rivera, ina ni Onemig Bondoc, at Kpan Talent Management na pinamumunuan ni Sir Pete Nogaliza.
Para sa kanila, hindi kailanman naging hadlang ang nakaraan ni Jiro upang bigyan siya ng panibagong pagkakataon. Naniniwala sila na si Jiro ay isang simbolo ng muling pag-asa at tagumpay na nararapat ipakita sa mundo.
Bukod kay Jiro, tampok din sa pelikula ang mga baguhang artista tulad nina Princess Johns, Rayesha Peiris, Bianca Donor, at Daniel Briones, na lahat ay dumaan sa masusing pagsasanay sa pag-arte. Ang mga artistang ito ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na makasama si Jiro na ginawaran noon ng Gawad Urian Best Actor sa bansa.
Kasama rin sa cast ang mga kilalang personalidad tulad nina Zach Francisco ng Net25 Starkada, Rhy TV ng YouTube, Razzid Eusebio, Lyra Zafra ng Inding Indie, at Ballpointman, na suportado ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Malaki naman ang basbas na binigay ni Mars Galang na kasalukuyang sikat na graphic and costume designer.
Ipalalabas ang “Eroplanong Papel” sa Film Development Council of the Philippines sa darating na Abril 7, 2025. Huwag palampasin ang pagkakataong masaksihan ang makabagbag-damdaming kwento ng pagbabalik at tagumpay ni Jiro Manio. Isang pelikula na magpapaalala sa atin na laging may pag-asa, at laging may dahilan para lumipad muli.