Advertisers
ITINANGGI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon ni dating Pres. Rodrigo Duterte na may mga nasilip umanong “blank items” o hindi nakadetalye na pondo sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sa isang ambush interview, sinabi ni PBBM na nagsisinungaling ito at bilang dating pangulo ay alam aniya dapat ni Duterte na hindi maipapasa ang national budget na may blangkong parte nito.
Ginawa ng Pangulo ang paglilinaw bilang tugon sa pahayag ni Duterte ukol sa umano’y kaduda-dudang nilalaman ng national budget ngayong taon.
Paliwanag ng Presidente, imposibleng magkaroon ng pondo sa GAA na walang malinaw na alokasyon at detalye kung saan ito gagamitin.
Aniya, sa kasaysayan ng buong Pilipinas ay hindi pinapayagan na magkaroon ng item ang pambansang pondo na hindi nakalagay kung ano ang proyektong pinaglalaanan nito, gayundin ang gastos o pondo para rito.
Kasabay nito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na suriin ang dokumento ng GAA, na aniya’y malayang makikita sa website ng Department of Budget and Management (DBM). (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)