Advertisers
NAGPAHAYAG ng pagtutol si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang nilalaman ng Senate Bill No. 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023 matapos niyang mabasa ang mga detalye nito.
Sa isang ambush interview sa Taguig City, sinabi ni PBBM na ang ilang bahagi ng panukalang batas ay hindi naaangkop o katanggap-tanggap at labis na nakakabahala.
Inamin ng Pangulo na labis niyang ikinagulat ang mga elementong nabasa niya sa bill kung saan isinusulong na turuan ng maseselang bagay kahit ang mga apat na taong gulang na bata.
Binatikos din ng Pangulo ang kawalan ng pagsasaalang-alang sa karapatan ng mga magulang na magdesisyon kung kailan at paano dapat turuan ang kanilang mga anak ukol sa sekswalidad.
Samantala, nilinaw naman ni Pangulong Marcos na bagama’t sinusuportahan niya ang tradisyunal na sex education ay hindi aniya siya papayag na mapasama sa programa ang mga tinaguriang “woke absurdities” o mga polisiya o ideya na tila hindi naaayon sa praktikalidad o tradisyunal na paniniwala.
Nagbanta rin ang Pangulo na ive-veto niya ang nabanggit na panukalang batas kung ito ay maipapasa sa kasalukuyang porma. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)