Advertisers
Hindi na maaaring pakinabangan pa ng mga tindera sa palengke ng lungsod ng Valenzuela ang mga gamit nitong mga timbangan makaraang mabuking ng pamahalaang lungsod na hindi wasto o tama ang timbang ng mga ito.
Sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian , 130 timbangan ang nakumpiska mula sa iba’t ibang pamilihan sa lungsod sa isinagawang “Operation Timbangan”.
Ang Republic Act No. 11706, o ang “Timbangan ng Bayan Act,” ay nag-uutos sa pagtatatag ng Timbangan ng Bayan Centers sa mga pampubliko at pribadong pamilihan upang mabigyan ang mga mamimili ng paraan na masuri ang mga instrumento sa pagtimbang.
Ang mga lalabag sa batas na ito ay maaaring maharap sa mga parusa mula P50,000 hanggang P300,000, pagkakulong ng isa hanggang limang taon habang ang paulit-ulit na mga paglabag ay maaaring kanselahin ang mga business permit.
Ipinatutupad ng pamahalaang lungsod –ang Ordinance No. 903, Series of 2021, na kilala rin bilang New Market Code ng Valenzuela City na nagpapataw ng multa mula P5,000 hanggang P15,000 sa mga vendor o establisyimento na makikitang gumagamit ng tampered o non-compliant weighing device.
Binigyang-diin ni Mayor WES ang kahalagahan ng fair and honest trade practice. “Hindi po rason ang pagmahal ng bilihin, dahil lahat naman po tayo ay naghahanap-buhay, importante po na tayo ay tapat sa ating gawain. Dito po sa Valenzuela, ang pinaiiral natin ay disiplina, ayaw po nating pinagsasamantalahan ang ating mga consumer. Dapat po natin silang protektahan, bilang bahagi ng ating misyon na pagandahan ang ating environment dito sa lungsod.” anang alkalde.
Ang pagsira sa mga nakumpiskang timbangan ay magsilbing daan upang turuan ang mga nagtitinda sa pamilihan tungkol sa wastong paggamit at pagpapanatili ng mga kagamitan sa pagtimbang.
Samantala, kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) , nagsagawa ng biglaang inspeksyon sa Karuhatan Public Market ang lokal na pamahalaan para tiyakin na tama at walang daya ang mga gamit na timbangan ng mga nagtitinda.(Beth Samson)