Advertisers

Advertisers

PANLALANSI NG INC SA MGA KASAPI

0 87

Advertisers

NILANSI ng pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (InC) ang mga kasapi kaugnay ng rali nila noong Lunes sa Luneta. Pinapaniwala ang mga kasapi ng kanilang mga lider na para sa “kapayapaan” ang kanilang rali. Pinapaniwala sila na walang kaugnayan ito kay Sara Duterte na nahaharap sa reklamong impeachment sa Camara de Representante.

Sa huli, lumabas ang isang tagapagsalita ng InC na kumumpirma na sinusuportahan ng InC si Sara at walang katwiran ang Kongreso na alisin siya sa poder sa pamamagitan ng impeachment. Maraming kasapi ang InC na naniniwala na marapat lang alisin sa poder si Sara dahil hindi niya naipaliwanag ang pagkawala ng P612 milyon na confidential fund.

Nilansi rin ng mga pinuno ng InC ang kanilang mga kasapi na hindi kasama ang grupong Duterte Diehard Supporters (DdS) sa rali. Ang buong akala ng mga kasapi ay silang mga InC lang ang dadalo sa rali. Iyan kasi ang sabi ng kanilang pinuno. Sa huli na nang malaman nila na kasama ang mga DdS. Hinakot sila mula sa iba’t-ibang probinsya tulad ng mga miyembro ng InC.



Sa madaling salita, ang dahilan ng paglaki ng mga dumalo sa rali ay ang pagsasama-sama ng puwersang InC at DdS. Nagsama-sama sila dahil sa pagsuporta kay Sara. Laking tuwa ni Sara dahil sa buong akala niya natapatan ng InC at DdS ang mga kasapi ng Simbahang Catolico at iba’t-ibang grupo ng Kristiyano na sumusuporta sa impeachment.

Ito ang dahilan kung bakit naghahanda ang mga kontra kay Sara ng sariling rali sa ika-31 ng Enero. Hindi lang mga kasapi ng Simbahang Catolico at Protestante ang dadalo sa kanilang rali. Nandiyan ang mga dilawan at pinklawan. Tiyak na malaki ito.

Magsisilbi itong dryrun sa pagbubukas ng kampanya sa Pebrero. Ang pagkakamali ng InC at DDS ay ipinakita kaagad nila ang kanilang mga baraha. Madaling matatapan ito ng iba’t ibang grupo at organisasyon kontra kay Sara at Gongdi. Abangan.

***

BATAY sa 51-pahinang progress report, sinabi ng Quad Committee na isa si Bong Go sa “personalities and/or entities involved in POGOs” at inirekomenda ng Quad Com na isailalim sa malalimang imbestigasyon tungkol sa umano’y pagkakasangkot niya sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators, o POGOs. Base sa pahayag ni Lt. Col. Jovie Espenido ng Philippine National Police (PNP) sa kaniyang affidavit na isinumite sa Quad Comm noong Agosto 28, kinumpirma niya na si Go ang nagbigay ng cash reward para sa mga pulis na nakapatay ng mga drug personalities sa kasagsagan ng “war on drugs” ni Gongdi.



Nakasaad sa report ang rekomendasyon na isali si Go bilang “party conspirator” sa alegasyong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9851 o “Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity,” kasama si dating pangulo Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng nakaraang administrasyon.”This inclusion is justified given the serious allegations concerning his role in a system that purportedly incentivized police actions during the controversial anti-drug campaign,” ayon sa report.

Inirekomenda din ng Quad Comm ang paghahain ng kasong kriminal sa ilalim ng Section 6 (Other Crimes Against Humanity) ng RA 9851 laban kay Duterte, Go, Bato Dela Rosa, at mga dating PNP chief na sina Oscar Albayalde at Debold Sinas, at sina Colonel Royina Garma at Edilberto Leonardo dahil sa naging papel ng mga nito sa extrajudicial killings (EJKs).

Binigyang diin naman ng report na gaya ni Dela Rosa, Go “should be investigated to address the allegations regarding his involvement in the war on drugs policy and the extrajudicial killings” sa panahon ng administrasyon ni Duterte. Inirekomenda ng Quad Comm na imbestigahan ang movement of funds sa mga account ni Go at mga korporasyong konektado dito upang makumpirma ang katotohanan ng kaniyang pagkakasangkot sa reward system.

***

HINDI namin napigilan ang tumawa ng malakas nang lumabas ang pahayag ni Robin Padilla na pipigilan niya umano ang mga reklamong impeachment laban kay Sara. Hindi ipinaliwanag ni Robin kung ano ang gagawin niya para pigilan ang pagsulong ng mga reklamo laban kay Sara sa Kongreso, lalo na sa Camara.

Hindi namin kinilala ang anumang talino at labas ng loob ni Robin. Maaaring magaling siya sa pelikula at hindi namin ito matatawaran. Pero iba ang tunay na buhay. Hindi kaya ng kanyang limitadong pag-iisip ang takbo ng buhay sa labas.

***

MANMANAN si Francis Tolentino at Dan Fernandez dahil nakuhanan sila ng mga larawan na dumalo sa rali ng InC at DDS. Hindi subok ang katapatan ng dalawang pulitiko. Parehong oportunista ang mga iyan at kahit ang kanilang lola ay ibebenta at isasangla, manalo lang sa halalan. Walang kasiguruhan sa kanilang katapan.

Hindi sila nakahuma ng nakita sila ng media sa rali. Bakit sila nandoon kung hindi sila namamangka sa dalawa o tatlong ilog. Bago sila nakita sa rali dumalo sila sa isang pulong sa Malacanang. Nakita sila ng sumumpa ng katapatan kay BBM.

***

Email:bootsfra@gmail.com