Advertisers
Nakakatawa ang mga bayarang trolls ni ex-Mayor Isko Moreno na patuloy sa pang-aagaw ng kredito sa mga magagandang proyekto ni Mayor Honey Lacuna.
Pilit nilang niloloko ang mamamayan ng lungsod ng Maynila. Bawat magandang gagawin ni Mayor Honey, palalabasin nila na si Isko ang dapat pasalamatan gaya ng sa mga pabahay at paaralan.
Nakalimutan nila marahil o sadyang kinakalimutan o tanga lang, na ang kung tutuusin, napaka-dakila at napakagaling ni Mayor Honey dahil sa laki ng iniwang utang at nakatiwangwang na proyekto ay nagawa itong ituloy at tapusin ni Mayora, na sinasabayan pa ng paunti-unting pagbabayad ng utang na nasa tumataginting na P17.8 bilyon.
Ngayon lamang tila luminaw ang lahat. Sunod-sunod ang proyektong pinaumpisahan ni Isko pero puro hanggang groundbreaking lang. Marami ang nagsasabi na niyakap ng lungsod ang laki ng halaga ng mga proyekto at nalubog ang lungsod sa utang, para lamang may mailagay si Isko na ‘accomplishments’ sa campaign material dahil tatakbo palang Presidente.
Ni hindi inisip ni Isko kung saang kamay ng Diyos kukunin ni Mayor Honey ang ibabayad sa mga utang na iniwan niya at kung paano matatapos ang mga na-groundbreak na proyekto.
Dahil nariyan na rin lang, pinagawan ni Mayor Honey ng wastong pag-aaral ang mga proyekto para masulit man lang ang inutang ng lungsod na kanya namang binabayaran nang paunti-unti. Inayos ang mga ito at kanyang ipinatuloy.
Ngayon, ginagamit ito ng mga kalaban niya sa pulitika. Itinuloy lang daw ang mga ginawa ni Isko.
So, kapintasan pa niya ‘yun? Mas mabuti pa palang di niya itinuloy ganun ba?
Mabuti nga at di gumagaya si Mayor Honey sa ibang pulitiko na kapag kaaway ang ex-mayor, pilit iibahin kundi man ipahihinto o buburahin sa mapa ang mga ginawa ng dating mayor. Hindi siya benggatibo at lalong hindi masama ang kanyang ugali. Mas importante sa kanya, gawin kung ano ang tama at dapat at sinupin ang pondo ng lungsod.
“Wala po tayong aaksayahing pondo at lalong lalo na, hindi po tayo mangungutang.” Yan ang kanyang deklarasyon kelan lamang kasabay ng pagtitiyak na ang pamahalaang-lungsod sa ilalim ng kanyang pamunuan ay inilalagay sa tama at maayos ang lahat, lalo na pagdating sa paghawak ng pondo dahil naniniwala siya na nasa wastong pangangasiwa at maayos na pamamahala ang susi sa tagumpay at patuloy na pag-unlad ng lungsod ng Maynila.
Ilan kasi sa mga inumpisahang proyekto ni Isko ay tila hindi pinag-aaralang maige dahil hindi rin angkop sa pangangailangan at bilang ng mga gagamit ng proyekto, dahilan upang maaksaya ang napakahalagang pondo ng lungsod.
Ilang libo lamang ng mga residente ang pupuwedeng makinabang sa mga nasabing proyekto samantalang ang bilang ng mga residente ay mahigit milyon na sa ngayon.
Nung pinili ni Isko na iwanan ang Maynila para tumakbo sa mas mataas na posisyon, iniwan din nito ang mga proyekto na natapos lamang sa groundbreaking at utang na nagkakahalaga ng P17.8 billion.
Sa tulong ni Vice Mayor Yul Servo at ng Manila City Council na pinamumunuan nito, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administrasyon ay nababayaran at natatapos ang mga nakatiwangwang na proyekto at nakakapagbayad din ang lungsod sa dalawang bangko kung saan umutang si Moreno ng P17.8 billion.
“Tayo po ang sumasalo ngayon ng iniwang responsibilidad ng dating mayor dahil nirespeto natin ang desisyon niyang mag-asam ng mas mataas na tungkulin sa gobyerno. Nang matapos ang groundbreaking ng mga proyektong ito, tayo na rin po ang nagpatuloy at tumapos para patuloy nating matulungan ang mga Manileño,” ani Lacuna.
Ngayon, panay pa ang batikos ni Isko kay Mayor Honey pero sabi nga ng mayora, “isang bagay ang hindi maitatanggi: hindi tinatanggap na pambayad sa bangko ang laway.”
Puna ko lang. Bakit kaya hindi na sinasabi ngayon ni Isko na naisasanla ang kanyang laway? Ito ba ay dahil sa kabila ng paulit-ulit niyang pahayag na ‘retired’ na siya sa politics ay bigla siyang tumakbo ulit?
Lagi niya kasi sinasabi dati na nasasanla ang laway niya na ang ibig daw sabihin, pag me sinabi siya, pupuwede mong dalhin ‘yun sa Cebuana Lhuiller dahil mapapanghawakan talaga. Anyare?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.