Housing program ng lungsod, bukas para sa lahat – Mayor Honey

Advertisers
TAHASANG sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na bukas para sa lahat ang housing program ng lungsod basta kwalipikado sa lahat ng requirements na itinakda ng Manila Urban Settlements Office (MUSO) na pinamumunuan ni Atty. Danny de Guzman.
Ipinaliwanag din ni Lacuna na ang mga kawani ng lungsod na na nauna ng in-award-an ng mga units sa pamamagitan ng parehas at patas na public raffle ay ang unang batch ng mga beneficiaries.
Sa kanyang pagsasalita sa inagurasyon ng 20-storey San Sebastian Residences at San Sebastian Super Health Center, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administration ay aware na lahat ay nangangarap na magkaroon ng sarili nilang bahay, dahil dito ay agad niyang inutos na baguhin ang polisiya ng dating alkalde na si Isko Moreno na rent forever at gawin na itong ‘rent to own’ kung saan ang mga occupants ay may pagkakataong maging may-ari ng unit na tinitirhan kapag nabayaran na nila ang kabuuan halaga ng unit.
“Baka isipin ninyo, para sa empleyado lamang ito, hindi po. Ito po ay bukas sa lahat ng gustong magkaroon ng sariling tahanan. Welcome po kayo. Kailangan lang po ninyo na makipag-ugnayan sa MUSO at kung kayo ay maaring mabigyan, bakit hindi,” saad ni Lacuna.
Naroon din sa inagurasyon sina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Joel Chua (3rd district), MUSO chief Danny de Guzman, City Engineer Moises Alcantara, third district Councilors Fa Fugoso, Maile Atienza at Jong Isip at candidates for Councilor Jeff Lau, president of the Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO), Karen Alibarbar at Elmer Nacion, na pawang umalalay sa alkalde sa formal awarding ng mga units sa mapapalad na kawani.
Pinasalamatan ni Lacuna si Congressman Chua na ayon sa kanya ay palagian ng nagkakaloob ng buong suporta para sa nasabing proyekto, lalo na ang health center kung saan ang mga third district constituents ang inaasahang makikinabang para sa kanilang pangangailangang medikal.
Pinuri ni Lacuna ang mga tulong na palagiang ibinibigay ni Chua sa lungsod at sinabing maraming bagay ang maisasakatuparan kapag ang national at ang local governments ay nagsama at nagtutulungan.
Sa kanyang bahagi, binigyang komendasyon ni Chua si Lacuna sa inagurasyon ng nasabing housing projects na pagkatapos ng isa ay mayroon pa uling isa at kumpleto pa ng health centers. Nitong nakaraang dalawang araw, pinasinayaan ni Lacuna ang Pedro Gil Residences kung saan matatagpuan din ang Pedro Gil Super Health Center.
Sinabi pa ni Chua na malaking bahagi ang pagiging doktor ni Lacuna pagdating sa pagpapalakas ng primary health care system ng lungsod.
“The new health centers and health laboratory are important primary health care facilities with modern equipment and competent healthcare providers. The tertiary hospitals are the support system to the local facilities. Kapag mahusay ang primary system maiibsan ang siksikan sa mga tertiary facilities kung saan ginagamot ang mga mas kumplikadong health cases,” paliwanag ni Chua.
Nabatid na angt three major hospitals sa Maynila ay tumanggap ng combined total 2025 national budget allocation na nagkakahalaga ng P305 million para sa equipment o infrastructure habang ang ilang public schools sa Maynila ay tumanggap ng combined total na P120 million para sa new school buildings ngayong 2025 at P240 million sa school buildings noong 2024. Ang hospital recipients ay ang Jose Reyes Memorial Medical Center, Tondo Medical Center and San Lazaro Hospital.
Sinabi naman ni Alcantara na ang San Sebastian Residences ay 243 residential units, 57 parking slots, apat na elevator units, swimming pool, activity and outdoor area, function room, fitness room admin office, roof deck at sewage treatment plant. (ANDI GARCIA)