Advertisers
LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magtatakda ng bagong term of office ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials (Senate Bill 2816).
Sa naging botohan, 22 na senador ang pumabor sa panukala, walang tumutol at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng mga halal na barangay at SK officials ay magkakaroon ng apat na taong panunungkulan sa pwesto o termino.
Hindi papayagan ang isang elective barangay official na magsilbi ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon.
Itinatakda rin ng panukala ang susunod na barangay at SK elections sa unang Lunes ng October 2027 at gagawin kada apat na taon matapos nito.
Ang mga mahahalal naman na barangay at SK officials matapos maisabatas ang panukalang ito ay sisimulan ang kanilang termino sa unang araw ng Nobyembre matapos silang manalo.
Samantala, sakaling maisabatas, ang mga kasalukuyang nakaupo bilang barangay at SK officials ay mananatili sa pwesto hanggang mahalal ang papalit sa kanila sa October 2027.
Una nang sinabi ni Senate Committee on Electoral Reform Chairperson Senador Grace Poe na sa tulong ng mas mahabang termino para sa mga barangay at SK officials ay mapapatupad nila ng maayos ang mga medium at long tern initiative sa barangay level. (Mylene Alfonso)