Advertisers
HIMAS rehas sa kulungan ang 12 Chinese at limang Filipino national makaraang arestuhin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division (CCD) at Special Task Force (STF) noong Martes ( Enero 14, 2025 ) dahil sa umano’y scamming activities sa Paranaque City na labag sa Philippine Immigration Act.
Kinilala ni NBI Director ret. Judge Jaime’Jimmy’ Santiago ang mga naarestong chinese na sina Xu Chao,Meng Wei Shi, Xing Chao, Qin Hang Feng, Li Xiang Hua, Zhang Wei, Wan Qin Xiang, Wang Jia Fa, Jiang Qi Long, Luo Shang Fen, Qixin Wang at Chen Jiang Song.
Nauna rito, inatasan ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na magsagawa ng verification at investigation operations laban sa mga Chinese na nagtratrabaho umano sa RI Rance Corporate Center II, ASEANA City, Tambo, Paranaque City
Nagkataon namang nasaksihan ng mga operatiba ng CCD at STF ang fully operational office setup ng isang scam hub, na malinaw na nagpapakita na ang mga indibidwal sa loob ay sangkot sa scamming activities.
Ang mga aktibong desktop sa eksena ay sinuri nang malinaw ng mga digital forensic agent, na nagkumpirma ng pagkakaroon ng romance o love scam script, mga application sa pagmemensahe na may mga fictitious account, bank account, mapanlinlang na cryptocurrency scam, at pekeng investment scheme.
Arestado din ang limang Pilipino na umano’y ‘kasabwat’ ng mga Chinese dahil sa panunuhol sa mga arresting officer na paglabag sa Corruption of Public Officials sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code.
Iniharap na ang mga nahuling dayuhan para sa inquest proceedings para sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Anti-Financial Account Scamming Act o AFASA. (JOJO SADIWA)