Advertisers
PARA kay dating Senador Antonio Trillanes IV, si Vice President Sara Duterte ay hindi dapat palagpasin sa mga nagawa niyang kasalanan.
Isinusulong ni Trillanes ang impeachment laban kay Duterte dahil sa umano’y mga maling paggamit sa pondo ng gobyerno at pagkakaroon ng mga tagong yaman.
Dapat din aniyang panagutan ni Duterte ang umano’y pagtanggap ng “drug money” at ang pag-isyu ng ‘kill’ threat laban kay President Ferdinand Marcos, Jr..
Ang statement na ito ay pinost ni Trillanes, kilalang kritiko ng Dutertes, sa kanyang Facebook account.
“Ang mga krimen ni Sara:
Nagwaldas ng daan-daang milyong pera ng bayan sa DepEd at OVP.
May ill-gotten wealth na daang milyong piso.
Tumanggap ng pera sa druglord.
Nagbanta na ipapatay si PBBM.
Ano quits lang? No way!
IMPEACH SARA!!!”
Ayon kay Trillanes, ang Magdalo party-list group ay magkakaroon ng tatlong pro-impeachment events, kabilang ang Edsa Shrine activity, ngayong buwan.
“Ituloy ang impeachment ni Sara!!!”, diin niya.
Ang tatlong impeachment complaints laban kay Duterte ay isinampa na sa House of Representatives bunga ng mga alegasyon ng maling paggamit ng pundo ng publiko, na hindi maipaliwanag ng pangalawang pangulo hanggang sa ngayon.
Bukod kay Trillanes, nanawagan din si dating Senador Liela de Lima at Makabayan bloc sa Kamara na simulan na ang proseso ng mga nakasampang impeachment complaints laban kay Duterte.
Kamakailan, lumabas sa isang survey na malaking bilang ng mga Filipino ang pabor sa impeachment laban sa pangalawang pangulo, na patuloy ang pagbagsak ng trust ratings sa mga survey.
Samantala, inanunsyo na ni Duterte na siya ay tatakbong pangulo sa 2028.