Advertisers
HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, ang isang 35-anyos na lalaking Filipino na umano’y naloko para magtrabaho sa isang scam hub sa Cambodia, napag-alaman sa ulat
Sa report ni BI Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) Chief Mary Jane Hizon, ang pasahero na alyas Lauro ay nagpakilala bilang isang turista patungo sa Hanoi, Vietnam, sakay ng Cebu Pacific flight sa NAIA Terminal 3.
Gayunpaman, ang kanyang hindi pare-parehong mga sagot sa pagtatanong ng BI officer ang nagpahamak sa kanya kaya isinalang siya para sa pangalawang inspeksyon.
Inamin din kalaunan ng pasahero na ang kanyang tunay na destinasyon ay sa Cambodia.
Ibinunyag nito na siya ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook at naakit sa mga pangako ng trabaho sa isang business process outsourcing (BPO) company.
Base sa report ng BI, ipinadala ng recruiter ang lahat ng mga dokumento sa paglalakbay sa pamamagitan ng Telegram app at inutusan siyang dumaan sa Vietnam bago tumuloy sa Cambodia.
Binanggit pa ni Hizon na isa itong classic modus operandi ng mga sindikato.
Binalaan ni bI Commissioner Joel Anthony Viado ang publiko na manatiling mapagbantay laban sa mga illegal recruiter at online syndicate. (JOJO SADIWA /JERRY TAN)