Advertisers

Advertisers

BABAENG VIETNAMESE DOCTOR, INARESTO NG NBI SA BEAUTY CLINIC

0 46

Advertisers

INARESTO ng National Bureau of Investigation–Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang isang Vietnamese national sa Mandaluyong City dahil sa paglabag sa Section 10 in relation to Section 28 of R.A. No. 2382 o Ilegal na Pagsasanay sa Medisina.

Ang babaeng Vietnamese ay kinilala ni NBI Director ret. Judge Jimmy Santiago na si Trinh Thi Kieu Nguyen, alias ‘Dr. Rosa’,nasa hustong-gulang, naninirahan sa Jovan Condominium bldg.,Mandaluyong City.

Sinabi ni Director Santiago na nag-ugat ang operasyon sa impormasyon mula sa isang confidential informant kaugnay ng ilegal na pagsasagawa ng medisina na ginagawa ng isang babaeng Vietnamese national sa isang beauty clinic sa nabanggit na lugar.



Bilang tugon, nagsagawa ng surveillance operation ang mga ahente ng NBI-OTCD, na nagkumpirma sa katotohanan ng impormasyon. Ang suspek ay nag-aalok ng medical procedures tulad ng eyelid surgery, vaginal tightening, Botox at iba pang cosmetic procedures na may bayad sa JK Beauty Clinic (JK) na matatagpuan sa ground floor ng gusali.

Ang kumpidensyal na impormante na nagsilbing poseur customer ay nakakuha ng appointment kay JK para sa isang Botox procedure.

Noong Enero 8, 2025, tumungo sa JK ang mga operatiba ng NBI-OTCD at pumasok sa klinika ang poseur customer na kasama ng isa sa undercover agent para sa nakatakdang Botox procedure at nano filler sa baba na nagkakahalaga ng Php8,000.00 bawat isa.

Sa pagbabayad ng Php16,000.00 para sa parehong mga pamamaraan, ang undercover agent ay nagbigay agad ng pre-arranged signal sa mga operatiba, na nagresulta sa pag-aresto kay Nguyen sa akto ng paglabag sa R.A. No. 2382.

Nabawi ng mga operatiba mula sa dayuhan ang marked money at iba’t ibang kagamitang medikal.



Noong Enero 9, 2025, ang inarestong si Nguyen ay iniharap para sa inquest proceedings sa harap ng Office of the City Prosecutor ng Mandaluyong para sa mga nabanggit na paglabag. Pinuri ni Santiago ang mga operatiba ng NBI-OTCD para sa matagumpay na operasyon. (JOJO SADIWA)