Advertisers
INANUNSYO ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Sabado, Enero 11, na naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang suspek sa pagpatay sa footballer na si Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven noong 2021.
Si “Onang” ay hinihinalang high-ranking member ng New People’s Army (NPA) at isa sa most wanted individuals sa Bicol Region.
Naaresto si Onang sa operasyon ng pulisya sa San Fernando, Masbate.
“Today, we are one step closer to justice for Keith, Nolven, and their grieving families,” pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto Torres Jr.
Sa ulat, isinagawa ang operasyon sa bisa ng arrest warrants na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) 5th Judicial Region, Branch Masbate City.
Ang warrants para kay Onang at 23 iba pa ay may kinalaman sa kaso ni Absalon.
Nahaharap si Onang sa kabi-kabilang reklamo kabilang ang paglabag sa International Humanitarian Law and Other Crimes Against Humanity (RA 9851) na may piyansang P200,000 bawat isa.
Sangkot din ito sa 2 counts ng murder na walang piyansa, at isang count ng attempted murder na may piyansang P120,000.
Matatandaang nasawi si Absalon, 21, at pinsan nito nang sumabog ang Improvised Explosive Device (IED) habang sakay ang motorsiklo kasama ang mga kapamilya nito sa Masbate.
Nagsimula si Keith sa kanyang football career sa Far Eastern University (FEU) noong 2013 at nagkamit ng kabi-kabilang Midfielder of the Year awards, MVP ng UAAP Season 78, at six-time UAAP champion sa high school football.(M . Obleada)