Advertisers
WALANG pasok ngayon ang mga tanggapan ng gobyerno at mga paaralan sa lahat ng antas sa Lungsod ng Maynila at Pasay. Ito’y upang bigyan-daan ang “Peace Rally” ng Iglesia Ni Cristo (INC) na inaasahang gagawa ng matinding trapiko sa naturang mga lungsod partikular sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Gagawin ang rally sa Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila.
Ang rally, ayon sa INC, ay pagpakita ng suporta sa panawagan ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. na huwag i-impeach o patalsikin si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Si VP Sara ay nahaharap sa tatlo hanggang apat na impeachments complaints sa Kamara, bunga ng mga nabunyag sa House Quad Committee investigations na “katiwalian” sa paggamit ng confidential funds (P612.5 million) ng Office of the Vice President at ng Department of Education sa ilalim ni VP Sara mula 2022 hanggang 2023.
Ang tatlong impeachment complaints, na isinampa sa huling buwan ng Disyembre 2023, ay nakatakdang talakayin ng Kamara sa pagbabalik ng mga kongresista ngayong linggo.
May balitang ang peace rally ng INC ay sasabayan ng ‘Maisog’ na kaalyado ng mga Duterte.
Sabi ng Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta, isang INC member, ang gaganapin nilang rally ay hindi para suportahan ang alinmang kampo kundi para sa kaayusan, ang paglapitin uli sina Pangulong Marcos at Bise Presidente Duterte na naging magka-tandem noong 2022 national elections.
Maganda ang hangarin ng rally na ito ng INC kung ganun nga ang mangyayari, ang mabuo uli ang UniTeam.
Sa tingin ko ay malabo nang mangyari na magkapit-kamay at magkurutan uli sina PBBM at VP Sara dahil sa mga brutal na salitang pinakawalan ng mga Duterte laban sa Marcos, kungsaan ang huling atake ni VP Sara ay: may inatasan na raw siyang tao na papatay kay PBBM kapag may nangyari sa kanya.
Ang pagkawasak ng unity ng Marcos at Duterte ay nag-ugat nang malaman ng mga Duterte na nakapasok sa bansa ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) para mag-imbestiga sa mga kamag-anak ng mga napatay sa “war on drugs” ng Duterte administration.
Si ex-President Rody Duterte at ilang dating opisyal niya ay nahaharap sa ‘Crimes Against Humanity’ sa ICC.
Lalo pang lumala ang atake ng Dutertes sa Marcoses partikular kay PBBM nang imbestigahan ng House Quad Committee ang mga katiwalian sa paggamit ng confidential at intelligence funds ni VP Sara, at ang mga korapsyon, extrajudicial killings at illegal drugs ng nakaraang administration.
Nabunyag sa Quad Comm na ang war on drugs ni Rody Duterte ay “peke”, na ang pinagpapatay lamang ay ang mga maliliit na tulak, adik at mga kalaban sa politika.
Nabuking din sa Quad Commm probe na ang tunay na drug lords ay mga “kumpare” at kaibigan pala ni Rody Duterte tulad nina Michael Yang, Peter Lim at ilan pang Chinese nationals na sangkot din sa smuggling.
Si Rody Duterte at ilan niyang dating opisyal ay kinasuhan na ng crimes against humanity sa Department of Justice. Ang ilang miyembro niya noon sa gabinete ay nakasuhan narin ng korapsyon.
Nabunyag din na ang pagsulputan ng mga iligal ng POGO ay nangyari sa termino ni Rody Duterte at ang mga nasa likod ay ang sinasabing drug lord na si Michael Yang.
Si Michael Yang, na pinaaaresto ng Senado at Kamara, ay hindi na matagpuan, nagtatago na raw sa ibang bansa simula nang mag-imbestiga ang Quad Comm.
Sa pagkabuwag sa “sindikato” ng tropa ni Duterte at mga kasong isinampa laban sa Dutertes, malabo pa sa ata ng pusit na magkabalikan ang romansang Marcos-Duterte. Peks man!
Sa INC na magra-rally ngayon, God bless sa inyong misyon!