Advertisers

Advertisers

KAHINAAN NG MANGHAHALAL

0 2,087

Advertisers

Sala ang hakbang ng mga politikong ‘di ibig bumitaw sa tungkulin gayong nagpakita ng walang kakayahan sa pinasok na larangan. O’ sadyang maramot at ayaw ipasa ang timon ng liderato lokal o pambansa sa ‘di kalahi maging sa matapat na kaalyado. O’ nagsisiguro na pagdating ng panahon na ibig bumalik sa pwestong natanganan walang hirap na makakamit. Sa totoo lang maging ang mga anak na katatapos lang sa pamantasa’y nariyan at nakapagpatala na bilang kandidato. Sa pagpapatala sa pagtakbo bilang kandidato sa ilalim ng partido ng ama o ina na puno ng lunsod o lalawigan tila tiyak ang pagwawagi. Sa magulang na politiko, hindi kailangang padaanin ang anak bilang baguhan o apprentice dahil nasa dugo ang likas na pagiging lider. At sa pagpasok bilang kinatawan ang pagbubutas sa upuan ang gagawin at ang masaklap tatawagin kagalang galang.

May katagalan ang banggit na kalakaran sa itaas subalit pinatingkad ng mga kasalukuyang lider na negosyo’t kabuhayan sa politika’y pinagsabay ng mapatibay ang hawak sa poder ng kayamanan na pampamilya at ‘di pambayan. Sa pagsasaliksik naselyohan ng isang pamilyang politikong negosyante ang listahan ng mayayamang pamilya sa bansa. Tunay na magandang sangkalan ang tangang sa pagpapalago ng negosyo. Sa katunayan ‘di lang isa o dalawang kasapi ng pamilya ang nakaupo sa pambansang liderato ng bansa na hawak ng pamilya, maging ang liderato sa lokal na antas ng pamahalaan. Sa paghawak sa liderato sa lokal na antas ng pamahalaan naisasantabi ang ilang bayarang buwis na ‘di sinisingil sa kadahilanang tangan nito ang liderato sa baba. At umasa na mababalitang may magaganap na bayaran sa papel ngunit ‘di sa totoong kaperahan.

Masalimuot ang usapin ng politika sa bansa at sa pagpasok ng mga negosyanteng kinakapital ang tangan pwesto nasisiguro ang pagsulong ng sariling layon. Hindi nagagalaw ang mga negosyong tangan higit kung sanay sa mga suhulan na nagpapalambot sa tindig ng sinuman. Walang matigas na tinapay kung isasawsaw sa mainit na kape na pag-aari ng politikong gahaman. Ang masaklap, walang magawa si Mang Juan na ilaban ang mga katulad na karaniwang tao sa pwestong magdadala ng ibig maging ginto ang layon. Ang pagsasamantala sa pwestong tangan at sa pera ng bayan ang naglalayo sa karaniwang tao sa kalagayang pangkabuhayan ng mayayaman na matagal ng inilayo at patuloy na inilalayo. Maraming mga pangalan na tunay na ibig maglilingkod sa bayan ngunit walang kakayanan na ipaabot ang nais sa kawalan ng pantustos.



Sa totoo lang, hindi iisang pamilya ang tukoy sa nagaganap sa itaas, ito’y kalakaran sa buong bansa na ang pagsasalin ng liderato’y nasa iilang pamilya at ‘di kasama si Mang Juan, di ba Jun Singhot. Sa kalakalang sa kaMaynilaan walang bagong ngalan na ang maririnig na papalit sa mga kasalukuyang lider politika sa bawat siyudad. Ang mahigpit na hawak sa pwesto sa lokal ang maliit na larawan ng kaganapan sa malaking lipunan. Walang ibig magbigay sa mga bagong politiko kahit may kagalingan ang layon sa kadahilanan ng kaalwan sa buhay. Sana’y maging iba ang kalabasan sa Lunsod ng Kalookan. Sa totoo lang, nariyan ang isang politiko ang hindi nakuha ang mataas na pwesto sa nakaraan, ang nagsisigurong mababalikan ang dating tangan na lunsod. At dito, sapat na kabuhayan kahit kasangga ang tumitimon sa lokal na pamahalaan. At sa balak na pagbabalik isinama ang anak na ‘pareho ang estilo na papogi ang alam ngunit hungkag sa kaalaman.

Sa totoo lang, maraming marangal na ngalan sa nakaraan na ibig magsilbi sa kasalukuyan na hindi pagsisihan. Ang ngalan Aquino, Diokno, maging ang Mendoza, at marami pang iba na batid na ibig isulong ang adhikain pambansa higit para sa maliliit na tulad ni Mang Juan. Serbisyo totoo ang layon ng mga bangit na ngalan na nakita sa nakaraan. Tunay nasa dugo ang pagseserbisyo tulad ng mga ninuno sa una na nakita ang galing na pinakinabangan ng bayan. Ang mga bangit na nagpakita na sa nakaraan ng kalinisan sa pagseserbisyo sa bayan, di tulad ng ilang nakaupo na ang legasiya’y magpayaman sa pwesto. Kay Mang Juan, silipin ang kandidatong pagsisilbi sa bayan una at ang ilagay sa listahan para sa kinabukasan ng bayan.

Sa galaw ng maraming tumatakbo sa halalan, tunay na minamaliit ang kakayanan sa pagpili ng mga manghahalal subalit huwag magpakampante dahil silip ang kahinaan sa iniluluklok bilang mga kinatawan. Silip na ‘di pinahahalagahan ng mga kasalukuyang kinatawan ang saggradong boto na nagluklok at alang ipinakitang galing sa tangang tungkulin. Nasilip sa walang kwentang pagdinig ng bugok na kapulungan ang kabulukan at pansariling layon ng maraming kinatawang bayan. Sa pagkakagising ni Mang Juan, asahan na ibabasura ang mga mangmang na dala ng kaTimugan maging ng administrasyon. Ang pagpili ng dapat at nararapat ang katungkulan ng mga manghahalal para sa tamang serbisyong ibig. Ang pagpili sa mga kinatawang bayan na magsusulong ng ibig ang sangkalan gagamitin sa pagpili. Sa darating na halalan mababatid kung tama ang mailuklok na magtulak sa interes ng mamamayan. Ang maayos na pagpili sa kinatawang bayan sa magaganap na halalan ang regla sa pagluklok na magiging puno ng bansa sa ‘28.

Sa totoo lang, ang iwaksi ang mga kandidatong nagpapa-iral ng salapi sa halalan ang dapat katakutan sa dahilang ang bawi nito’y ‘di mabibilang sa daliri. At ang pagbawing bangit ang magiging pasanin ni Mang Juan at bayarin ng mga salinlahi ng bayan. Ang mga ngalan na walang habas sa pagtustos sa pagpapakilala ang palatandaan na malaki ang nakasalang na pansarili at hindi ang magserbisyo sa bayan. Batid na umabot na sa kasuluksulukan ng bansa ang mga tarpaulin na karga ang mukha at ngalan subalit ‘di makita na naglalakad na mag-isa. At sa pagkakataong ito, inaasahan ang pagkamulat ni Mang Juan na hindi bitbit ng mga politikong switik ang kagalingan ng nakakarami.

Panghuli, magsuri Mang Juan sa mga kandidatong lumalapit ng ‘di magsisi sa kinabukasan. Oo nariyan ang mga bagong ngalan ngunit batid ang likaw ng katauhan kung paano kikilos sa pwestong tatanganan. Ang paghahain ng batas na may pakinabang ang bayan ang layon ng halalan sa ’25 at hindi ang tumanggap ng kaperahan na nilalaan sa mga halal ng bayan. Ang pagpapanukala ng batas ang isusulong at hindi pagpapatupad ng proyekto na pagkakaperahan. Huwag mabulag sa mga ngalan bago o luma, silipin ang kakayanan sa tatanganang pwesto ng maitulak ang batas na may pakinabang ang bayan. Silipin ang mga kandidato sa lokal o pambansa na tunay ang layon sa bayan at mamamayan at hindi ang ibig ng mangmang ng katimugan. Batid na may kahinaan ang maraming manghahalal subalit mahaba ang panahon sa pagsusuri sa dapat at karapat dapat. Ang tamang pasya sa ’25, ang barometro sa ‘28. Huwag magpalinlang sa mga politikong sarili ang bitbit at ‘di ang bayan.



Maraming Salamat po!!!!