Advertisers
BILIB ako sa ipinapakitang galing ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force Officer-in-Charge Gabriel Go.
Nagagawa niya kasing balansehin ang mahigpit na pagpapatupad ng tungkulin ng MMDA at ang pagiging makatao.
Walang tigil ang grupo ni Go sa pagsasagawa ng clearing operations partikular na sa mga Mabuhay Lanes at iba pang alternatibong daanan para magamit ang mga ito ng mga motorista.
Abala din ang MMDA sa pagtanggal ng mga iligal na nakaparadang sasakyan gaya ng kotse, taxi at mga tricycle. Bukod pa diyan ang mga illegal structures.
Maraming nagagalit kay Go at sanay na ito marahil sa batikos pero sa gitna ng lahat ng ito ay ariin niyang pinapabulaanan ang mga reklamo ng vendors na siya ay ‘anti-poor’ o kalaban ng mahihirap, dahil sa ginagawang pag-alis sa mga manininda sa mga pangunahing lansangan.
Tama lamang naman na ibalik ni Go sa mga motorista ang kalsada at ilagay sa ayos ang mga manininda na kadalasan ay walang kinikilalang batas at gagawin lamang ang kanilang gusto nang walang pakialam kung sila ay lumalabag na sa mga regulasyon.
Gaya ng kelan lamang na pagtanggal sa vendors sa “lay-by” o espasyong nasa ilalim ng mga tulay. Ito ay nakareserba para sa mga emergencies at riders na kailangang sumilong kapag umuulan. Natural naman na tanggalin ang mga manininda na umookupa nito.
Sa mga bangketa o kalsada, minsan ay napapanood ko si Go na nadadala rin naman sa pakiusap ng mahihirap, kung saan pinagbibigyan niya ang mga ito na sila na ang magkalas ng kanilang mga tindahang itinayo sa bawal na lugar. Pinagsasabihan na lamang niya ang mga ito na bawal sila sa kalsada at bangketa at di sila maaring magtayo ng tindahan kung saan lang nila gusto.
Kapag hindi kinilusan ng MMDA ang mga vendors na ito, mga motorista at pedestrians naman na walang madaanan o malakaran ang magrereklamo. Ang masama pa, baka mapagbintangan pa ang MMDA na ‘patong’ sa vendors o tumatanggap ng lagay para malaya silang makapaninda kahit sa kalsada o bangketa pa.
Sa ganang akin, tama lamang ang ginagawa ni Go na pagsabihan na lamang ang mga vendors at bigyan ng ultimatum at hayaan na lamang na sila na mismo ang mag-alis ng kanilang mga stall para mapakinabangan pa nila ang mga materyales at patuloy na makapaninda, pero sa tamang lugar na.
Ngayon, kung sa kabila ng pakiusap sa kanila ay uulitin nilang magtinda sa lugar kung saan sila bawal, wala na silang masasabi kung kumpiskahin na ng MMDA ang kanilang tindahan at mga paninda. Hindi naman maari na hayagan nilang babalewalain ang mga awtoridad dahil gagayahin ito ng iba at gaya ng sinabi ko, mga motorista, pedestrians at netizens naman ang magagalit sa MMDA.
Sa totoo lang kasi, kung minsan ay mahirap talagang kausap ang mga vendors. Marami sa mga ‘yan ang matigas ang ulo at walang pakialam kung nakahambalang man sila.
Higit riyan, may mga vendors din na baboy at nag-iiwan ng mga basura kung saan sila nagtitinda o nakapaninda na sa maghapon.
Sa totoo lang, hindi ginawa ang mga bangketa para pagtindahan. Ang mga bangketa ay nariyan upang magsilbing daanan ng taumbayan at nang sa gayon ay hindi sila sa kalsada naglalakad dahil delikado ito.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.