Hiwaga ng pananahimik nina DILG Sec. Remulla, PNP Gen. Marbil at NBI Dir. Santiago… ‘PAIHI’ SA BATANGAS CITY NAKAREKTA SA ITAAS?
Advertisers
TILA wala nang gobyerno na pwedeng mapagsumbungan na kikilos at aaksyon sa mga nangyayaring mali’t kasamaan sa lipunan dahil ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay hindi kumikilos para labanan, sugpuin ang mga salot na sumasalahula sa mga umiiral na batas ng bansa, ayon sa anti-crime and vice group Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB).
Dahil bulag, pipi at bingi na sa kaliwa’t kanang pambabalahura sa batas ng lawless elements, pakiwari ng taumbayan ay walang gobyerno dahil kukuya-kuyakoy lang ang mga itinalaga ni Pres. Marcos Jr., na sana ay sasakote sa mga halang ang kaluluwa na salot sa ekonomiya at banta sa seguridad ng bansa.
Ginawang halimbawa ng MKKB ang matagal nang idinadaing na lantarang operasyon ng paihi/buriki o fuel theft, na ang imbakan o sentro ng napaka-delikadong operasyon ay mga barangay ng Banaba West Bypass Road malapit sa Integrated School at kahilira ng UC gasoline station; sa Brgy. Banaba South Bypass Road, tapat ng Toyota Cars Parking Area; at sa Brgy. Simlong sa compound ng isang beach Resort, pawang sa Batangas City, na ang mga operator o nasa likod ng illegal na negosyong ito ay kinilalang mga drug pusher din na sina “Rico Mendoza”, “Etring Payat”, “Efren” at “Balita”.
Sina Rico, Etring at Efren ang nagpapatakbo ng mahigit sa kalahating taon nang operasyon ng dalawang kuta ng paihi/buriki sa Brgy. Banaba West Bypass Road at Brgy. Banaba South Bypass Road.
Si Balita naman, na minana pa sa kanyang ama ang ilegal na negosyong tumatakbo na ng mahigit sa 40 taon, ay lider ng may 20-kataong sindikato na nag-ooperate sa loob ng compound ng isang beach resort sa Brgy Simlong na nasasakupan ni Chairman Rufo Caraig.
Ang nakadidismaya, ayon sa MKKB, iniuulat na kasapakat ang ilang opisyales ng barangay ng mga naturang lugar sa pagnanakaw ng krudo, gasolina, gas at Liquefied Petroleum Gas (LPG) pagkat may nakabantay pang unipormadong barangay tanod kapag nagpapaihi o nagpapatulo ng petroleum products at nagpapasingaw ng LPG ang may 20- katao na miyembro ng naturang ilegalista.
Panawagan kay Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, pakasuhan ang naturang barangay officials kabilang na ang mga chairman na mapapatunayang nagpapabaya na pagkutaan ang kanilang lugar ng mga sindikato ng paihi/buriki.
Maliban sa talamak na pagnanakaw ng petroleum at LPG products, ang naturang sindikato ay itinuturo ding responsable sa maraming serye ng krimen kabilang na ang mga kasong murder na ‘di pa nalulutas ng Batangas PNP Provincial Police Office, National Bureau of Investigation (NBI) Regional, at Batangas District Offices, pati na ng Criminal Investigation and Detection (CIDG) Regional R4A Field Unit at CIDG Provincial Office.
Lantaran ang pagnanakaw ng dalawang grupo ng sindikatong ito ng petroleum product, LPG at maging ng highly combustible A1 Jet Fuel na gasolina ng eroplano, pero ang nakapagtataka’y tila walang alam sa mga nagaganap na kailegalang ito sina Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., CIDG R4A RFU Chief Col. Geovanny Emerick Sibalo, Batangas CIDG Provincial Officer Lt Col. Jake Barila pati na ang mga ahente ng NBI na nakatalaga sa regional at Batangas district offices
Ang hindi maintindihan ng MKKB ay kung bakit patuloy ang pananahimik ng mga pinagkakatiwalaang itinalaga sa pwesto ni PBBM na sina DILG Secretary Remullla, PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at NBI Director Jaime Santiago sa naglipanang paihi/ buriki, na ang mga operator ay pawang nagmamalaki pang “nakarekta sila sa itaas.” (CRIS A. IBON)