Advertisers
Nakakalugod at ‘di mapigilang bigyan ng masigabong palakpakan ang malawak na kapulungan higit ang “super committee” na QuadCom sa pagganap sa mga pagdinig sa kabalastugan ng nakaraang pamahalaan mula sa katimugan. Mahusay ang pag-uusisang mga naganap na nagbigay daan sa mga reklamo na pagpapasipa sa abalang pangulo. Walang duda na nahubaran ng pagkatao ang abalang pangulo higit sa kasibaan sa pondo ng bayan na ipinadaan sa mga tanggapan na pinamunuan. Nalantad ang paggamit ng P125M na nilustay sa loob ng 11 araw este 7 araw at ang P612M na ‘di mawari ang pinaggamitan. O’ sadyang gumamit ng mahika na nagsilang kay Mary Grace Piattos.
Maganda ang kinalabasan ng pag-uusisa sa pagkakabatid ng husay sa panlililo ng kaTimugan sa bayan. Sa pagkakabatid sa kasakiman ng kaTimugan sa salaping bayan, nagising si Mang Juan at ang bayan na dapat nang wakasan ang pamumunini ng kaTimugan sa liderato ng bayan maging sa lokal na pamunuan.
Sa pagdinig ng QuadCom tila naisantabi ang ilang mahahalagang usaping bayan at nakatutok sa usapin ng katimugan, higit ang salaping bayan. Sa ibang pagdinig ng malawak na kapulungan, nabigyan pansin ang usapin ng pondo ng mga tanggapan sa pamahalaan. Subalit higit na natutukan ang pondong inilaan ng tanggapan ng abalang pangulo na tinapyasan ng mahigit sa kalahati. Ang pagdinig na ayaw daluhan ng abalang pangulo, subalit hindi nag-aatubili ang mga kinatawang bayan na bawasan ang pondo ng tanggapan ni Inday Siba higit sa paggagamitan ng pondo na ‘di mandato ng tanggapang pinamumunuan. Tunay na nahimasmasan ang mga kinatawang bayan na hindi nararapat na magkaroon ng bilyon bilyong pondo ang tanggapan ng abalang pangulo gayung ang gawain nito’y maghintay sa magaganap sa tanggapan ng pangulo. Ang masakit nabatid na may kahalintulad na gawain ang ibig ng tanggapan ni Inday Siba sa ibang tanggapan sa pamahalaan.
Ganap ang kasiyahan ni Mang Juan sa pagtabas sa pondo ng abalang pangulo na nangangahulugan na ang takdang halaga’y gagamitin sa tamang tustusin. Walang pangamba na magagamit ang pondong inilaan sa tanggapan ni Inday Siba na ipambibili ng mga chichiria para sa mga tauhan ng abalang pangulo. Sa pagdinig sa usapin ng pondong bayan tila hindi napansin ni Mang Juan ang ilang mahalagang bagay na may kinalaman sa mga pangangailangan ng tao sa laylayan. Nabulag si Mang Juan na hindi nabigyan ng pondo ang PHILHEALTH na tuwirang pakinabang sa mga kasapi na may karamdaman at kailangan makita ng doktor sa mga pagamutan. Hindi nakita ni Mang Juan na walang naganap na paglaki sa pondo ng edukasyon (DepEd) na siyang pangunahing inilalaanan ng pondo ng bayan. Hindi napansin ni Mang Juan na lumiit ang pondo ng DSWD na takbuhan ng maraming tao sa laylayan sa mga mabilisang pangangailangan. At hindi napansin ni Mang Juan ang higit na paglaki ng pondo na inilaan sa DPWH, dito ba ang higit na malaki ang takits, tanong lang po.
Sa paglalaan pa rin ng pondo sa pamahalaan, silip na lumaki ang pag-aalis sa mga pondo na inilaan sa mga tanggapan na nasa line item. Sa pagliit ng mga pondong bangit hindi natalakay o nabalita ngunit pumasa sa BiCam na tila may naganap na hokus pokus. Ang masakit lumaki ang halaga ng pondo na tinaguriang “unprogrammed fund” sa halagang P288B na ‘di batid kung paano tustusin o ano ang pagtutustusan na maaring utangin ng pamahalaan. At nariyan ang nakalusot o pinalusot ang hindi mayakap na pondo ng AKAP na P26B. Wow bumalik ba ang mga kaTimugan at napalusot ang halagang bangit para kay Mang Roman (MR) na Masiba Rin. At galing sa bibig ni Jun Singhot na kailangang tutukan ang koordinasyon sa mga ahensyang sangkot sa pagpapadaloy ng pondo AKAP . Habang sa kabilang dako, napalusot o naglaan ang mga kinatawan mula sa bugok na kapulungan ng P5B para sa kanilang programa. Hehehe para saan pang sila sila at tayo tayo ang nagtatakda.
Masakit na mabatid na nagbansutan ang pondo sa maraming mahalagang programa ng pamahalaan na tutulong sa pagpapakilos ng kabuhayan ng Pinoy. At ang mas masakit, ang mapagkunwaring pag-veto sa halaga P26B habang napatakbo ang pondo ng AKAP para kay Mang Roman, ang P5B para sa bugok na kapulungan at ang P288B na ‘di batid ang paggagamitan. Tanong lang, hindi ba natuto sa nakaraan ang mga nakaupo at walang habas kung limasin ang pondo ng naghihikahos na si Mang Juan. At hindi sinilip ang kasasapitan ng mga kaTimugan na baliw sa kapangyarihan at salaping bayan. Sanay ingatan ang pondo ng bayan dahil ito ang inyong sinumpaan ngunit hindi makita sa mga taong naglalaan ng pondo para sa programa sa tao sa laylayan. Tunay na walang puwang sa opisyal ang tao sa laylayan o sadyang ganid at sariling pakinabang lang ang alam.
Tanong pa rin, usapin panghalalan ba ang naganap na paglalaan ng budget o pondo sa pamahalaan at una ang matiyak na makakabalik sa upuang niluluklukan? Maganda ang kinilos ng malawak na kapulungan sa nakaraan ngunit ng lumabas ang usapin ng pondo ng pamahalaan napansin na higit na masiba si Mang Roman sa abalang pangulo. Malinaw na ipantakip ang usapin ng mga mangmang ng kaTimugan para sa sariling layon. Masakit na mabatid higit ang ilang mahuhusay na kinatawang bayan na nagamit ni Mang Roman para sa sariling layon. Bangit nga ng isang mamamahayag na mahusay ang lahi ng taga pagsalita ng malawak na kapulungan subalit pakabila ang basa ng Batingaw na pansarili ang pakay nito at ‘di pang bayan. Sa mahusay na kinatawan una ang bayan at ‘di ang sarili. At ito ang magdadala sa tadhana kung saan nararapat.
Tila nabulok ang mabuting bunga ng QuadCom sa mga pagdinig sa galaw ng tagapagsalita ng malawak na kapulungan sa paglalaan ng pondo para sa sariling layon. Ang pagdinig na nagsiwalat sa mga kabulukan sa nakaraan ang siyang karga ng tagapagsalita sa pagtitiyak na ito ang magiging pangunahing tao sa bansa sa ’28. Matalas ang mga salita laban sa kaTimugan subalit pinulot ang masamang gawa para sa ambisyon sa hinaharap. Iwinalay ang sarili sa tadhana na hinugis ng Quadcom na magandang simula para sa bayan. Ang paggamit sa kaTimugan na ipinantakip sa sariling layon ang salang kilos ni Mang Roman na dapat ikabahala ng bayan. Ang pondong bayan na pinag-nanasaan ang bangungot na dadalahin sa kinabukasan, kuha mo MR.
Maraming Salamat po!!!!