Advertisers
Ni Rommel Gonzales
DALAWANG bagay ang mahalaga para sa isang artista, ang kita ng pelikula sa takilya at ang acting award.
Bilang marami na siyang awards sa pag-arte at maraming pelikula nang nagawa, tinanong namin si Allen Dizon kung ano ang mas mahalaga para sa kanya
“In terms of producer, siyempre dapat box office, in terms of ako bilang artista, siyempre award.
“Pero sana both, di ba? May mga kita na yung producer and may award pa ang mga artista.
“Sana… para sa akin hindi naman yung sobrang box office, basta maibalik lang yung ROI [return of investment] ng producer, okay na. At least wala kang guilt feeling na yung pelikula ko, walang nanood, although may award ako pero yung producer ko kawawa naman.
“Gusto ko it’s a give and take, gusto ko lahat masaya, at least yung kinuha ka para at least makabawi yung producer, kinuha ka dahil gusto ka dahil magaling kang artista, nagka-award ka. Di ba?
“Kumbaga dapat iniisip mo rin yun e. Para sa akin, sana both,” mahabang pahayag ni Allen.
Sa dalawang medium, ang pelikula at telebisyon ay sakses si Allen.
Marami na siyang nagawa at gagawin pang pelikula, malapit na ring ipalabas ang Fatherland habang gagawin naman niya ang isa pang bagong pelikula, ang Unconditional.
Last year ay nagwakas sa ere ang highly successful GMA series na Abot Kamay Na Pangarap kung saan nagmarka si Allen bilang si Dr. Carlos Benitez.
Ano ang pagkakaiba ng pagiging artista sa pelikula at telebisyon?
Saan siya mas enjoy?
“Siyempre alam mo naman, first love ko pelikula talaga, e. Pelikula talaga yung mas forte ko.
“At alam naman natin pag TV, siyempre mas pagod dahil maraming taping, maraming sequences.
“At siyempre mas marami kang kikitain sa TV especially regular show, regular yung dating ng pera sa iyo.
“Pero siyempre yung puso mo nagiging ano na lang, nagiging mechanical ka na lang, parang routine, nagiging routine pag TV.
“Yung acting mo pareho na lang, yung itataas mo, yung ibababa mo, hindi kamukha ng pelikula, may subtlety ka pa rin.
“Yung pelikula may rawness pa rin na lalabas sa iyo dahil iba-ibang role ang ginagampanan mo and kailangan mong aralin talaga yung bawat… kumbaga mga dialogue mo, kung paano yung ano ng mata mo.
“Sa pelikula kasi dapat consistent ka e, kumbaga dapat kung ano yung ginagampanan mong role, dapat mapapaniwala mo yung mga tao, audience, na totoo ka dun sa ginagawa mong character, di ba?
“Sa TV wala na, after bukas, after nun, wala na yun e, nakalimutan na yun, e. Ang pelikula pag tumanda ka nandiyan pa yun, hanggang sa mga apo mo nandiyan pa ‘yan.”
Sa Unconditional na mula sa BR Film Productions ay gaganap si Allen bilang isang lalaki na dating isang babae.
Sa panulat ni Jerry Gracio at sa direksyon ni Adolfo Alix, Jr., nasa pelikula rin si Rhian Ramos kasama sina Lotlot de Leon, Elizabeth Oropesa, Paolo Gumabao, Rico Barrera, Brandon Ramirez, at Joel Lamangan.