Advertisers
MAHIGPIT na pinangangalagaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga datos ng mga benepisyaryo ng mga ayuda mula sa pamahalaan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na ang listahan ng mga benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) noong nakaraang taon ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mayroon din aniyang sariling listahan ang labor department para sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program na kanilang mahigpit na iniingatan at hindi basta-basta inilalathala sa publiko dahil itinuturing nila itong personal information.
Aniya, ang listahan ng mga benepisyaryo ay nananatiling buo at pinangangalagaan alinsunod narin sa Data Privacy Act.
Dagdag pa ni Benavidez, maraming organisasyon ang humihirit na makuha ang listahan ng mga benepisyaryo.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na tanging mga organisasyon at ahensya na mayroong Data Sharing Agreement (DSA), Memorandum of Agreement (MOA), o iba pang kasunduan ang maaaring mabigyan ng datos o impormasyon partikular na ang pangalan, tirahan, at contact number ng mga benepisyaryo.
Ganito rin, aniya, ang ginagawa ng DSWD upang matiyak na hindi malalabag ang umiiral na batas. (Gilbert Perdez)